Gatchalian

Gatchalian nais malaman kung ODA nagagamit ng tama

165 Views

KUMILOS si Senador Sherwin Gatchalian upang masuri ang mga karagdagang gastos na natamo ng gobyerno dahil sa malaking pagkaantala ng iba’t ibang proyektong tinustusan ng official development assistance (ODA) mula sa iba’t ibang multilateral funding agencies.

“Ang nais natin dito ay para malaman kung nagagamit natin ang mga ODA nang mahusay o hindi. Sa nakikita natin ay hindi nagagamit nang husto kaya’t gusto nating makakalap ng mga rekomendasyon para maisaayos ang pagsasagawa ng ODA-funded projects,” ani Gatchalian sa isang pagdinig na isinagawa ng Congressional Committee on the Official Development Assistance (COCODA). Ang pagdinig ay pinangunahan ni Gatchalian bilang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means.

Ipinunto ni Gatchalian na batay sa portfolio review report ng National Economic Development Authority (NEDA), ang loan disbursement rate ng mga aktibong ODA projects ay 43% lamang noong 2022 na nagresulta sa disbursement shortfall na US$2.97 bilyon laban sa aktwal na disbursement na US$2.21 bilyon. Ang project loan availment rate noong 2022 ay 63% lamang mula sa kabuuang total scheduled availment na US$10.83 bilyon.

Binigyang-diin ng senador na maaaring gumastos pa ang gobyerno ng karagdagang commitment fees, penalty, at karagdagang interes na dapat bayaran sa mga lending agencies dahil sa pagkaantala ng pagpapatupad ng naturang mga proyekto.

Bukod dito, ang mga pabago-bagong foreign exchange rate ay nagreresulta din sa karagdagang gastos ng gobyerno dahil sa pagkaantala ng pagpapatupad ng mga naturang proyekto, sabi ni Gatchalian. Ang halaga ng piso aniya ay humina nang husto mula sa average na peso-dollar exchange rate na 49.25 noong 2021 sa average na 54.48 noong 2022, o 9.6% na pagbaba ng halaga ng piso.

Ayon sa consolidated audit report hinggil sa mga proyektong pinondohan ng ODA na inilabas ng Commission on Audit (COA), may kabuuang 82 proyekto na na-delay, na nagresulta sa tinatawag na unavailed loan commitments. Batay sa ulat, may kabuuang P96.83 bilyong foreign exchange losses na natamo ang bansa na noong 2022 dahil sa pagbaba ng halaga ng piso.

Upang matugunan ang isyu, partikular na hiniling ni Gatchalian sa NEDA at iba pang ahensya na magbigay ng dahilan sa pagkakaantala ng mga proyektong pinondohan ng ODA. Ang susunod na pagdinig ng COCODA ay nakatakda sa Setyembre 5.

Ang kabuuang utang ng bansa ay umabot sa P14.15 trilyon nitong nakaraang Hunyo, na may panlabas na utang na P4.45 trilyon na kumakatawan sa 31% ng kabuuang stock ng utang.