Gatchalian

Gatchalian: Palakasin ang PH Coast Guard

114 Views

Sa gitna ng patuloy na pananalakay ng China sa WPS

NAGHAIN si Senador Sherwin “Win” Gatchalian ng panukalang batas na naglalayong ireporma ang Philippine Coast Guard (PCG) para palawakin ang kapasidad nito sa gitna ng patuloy na pananalakay ng mga sasakyang pandagat ng China sa West Philippine Sea.

“Ang panukalang ito ay naglalayong palakasin ang kakayahan ng PCG upang matupad ang mandato nito, isaalang-alang ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos at tumutugong institusyon upang harapin ang mga hamon sa rehiyon at sa buong mundo na may kaugnayan sa karagatang hurisdiksyon ng Pilipinas,” sabi ni Gatchalian kasunod ng inihain niyang Senate Bill No. 2650.

Ang naturang panukala ay partikular na naglalayong ipawalang-bisa ang Republic Act 9993, na kilala rin bilang Philippine Coast Guard Law of 2009, at palitan ito ng Revised Philippine Coast Guard Law.

Sinabi ni Gatchalian na ang mga puwang sa istruktura ng organisasyon, pangangasiwa, at pagtiyak sa kapakanan ng mga tauhan ay nakakaapekto nang malaki sa mga operasyon ng PCG.

“Unang una, ang RA 9993 ay tahimik sa mga benepisyo ng parehong uniformed at non-uniformed personnel ng PCG noong inilipat ito sa Department of Transportation mula sa Philippine Navy,” ayon sa senador. Ang PCG, na unang itinatag bilang isang pangunahing yunit ng Philippine Army noong 1967, ay lumipat sa administrasyong sibilyan, mula sa Tanggapan ng Pangulo patungo sa Kagawaran ng Transportasyon noong 1998.

Nauna nang naghain si Gatchalian ng isang hiwalay na panukalang batas na naglalayong gawing moderno ang PCG. Ang Senate Bill 2516 o ang PCG Modernization Act, na naglalayong pahusayin ang mga kagamitan at pasilidad ng PCG at palakasin ang kakayahan nito, ay naglalayong bumuo ng mas “mobile at visible’ na coast guard na itataguyod na isang “world-class guardian of the sea” pagdating ng 2025.