Gatchalian

Gatchalian pinuri pagsulong sa pakikilahok ng mga magulang sa dev’t ng kabataan

330 Views

PINAPURIHAN ni Senador Win Gatchalian ang pag-apruba sa ikatlo at huling pagbasa sa panukalang batas na magpapaigting sa parenting skills, bagay na aniya’y magsusulong ng epektibong pakikilahok ng mga magulang sa edukasyon, paglaki, at development ng mga kabataan.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2399 o “The Parent Effectiveness Service Program Act,” ang Parent Effectiveness Service (PES) Program ay bubuuin upang palawigin ang kaalaman ng mga magulang at mga parent-substitutes pagdating sa kanilang mga tungkulin at mga responsibilidad. Layunin ng PES Program na tulungan ang mga magulang sa pagprotekta sa karapatan ng mga kabataan, pagsulong sa positive early childhood development, at pagkamit ng educational progress.

“Ang ating mga magulang ang una nating mga guro at nananatili silang katuwang ng ating mga paaralan at mga komunidad pagdating sa pagpapalaki at paghubog ng karakter ng mga kabataan. Sa pamamagitan ng Parent Effectiveness Service Program, paiigtingin natin ang kakayahan ng mga magulang na tugunan ang pangangailangan ng kanilang mga anak at isulong ang kanilang kapakanan,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Ang PES Program ay ipapatupad sa bawat lungsod at munisipalidad. Sa pagpapagtupad ng programa, bibigyang prayoridad ng mga local government units (LGUs) ang mga parents at parent substitutes na may mga anak na humaharap sa panganib. Kabilang dito ang mga children at risk, children in conflict with the law, at mga kabataang nakasaksi o nakaranas ng karahasan sa kanilang mga tahanan at mga komunidad. Ang mga solo parents at parent-substitutes, pati na rin ang mga adolescent parents at ang kanilang mga magulang at parent-substitutes ay bibigyang prayoridad din ng programa.

Si Gatchalian ang pangunahing may akda ng panukalang batas. Inspirasyon nito ang Nanay-Teacher Program ng Valenzuela City na ipinatupad sa tulong ng Synergeia Foundation. Bahagi ang programa ng adbokasiya ni Gatchalian sa edukasyon noong siya ay alkalde pa lamang sa Lungsod ng Valenzuela.

Pinasalamatan naman ni Gatchalian si Senador Risa Hontiveros, Chairperson ng Committee on Women, Children, and Family Relations para sa pag-sponsor sa panukalang batas.