Gatchalian

Gatchalian: Power rate dapat bumaba sa pag-amyenda ng EPILA

74 Views

SINABI ni Sen. Sherwin Win Gatchalian na dapat magresulta sa pagbaba ng presyo ng kuryente ang pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) para sa kapakanan ng mga konsyumer na nagtitiis sa mataas na presyo ng kuryente.

“Kailangan nating makapagbigay hindi lamang ng matatag at sapat na suplay kundi maging ng abot-kayang enerhiya para sa ating mga mamimili.

Ang anumang pag-amyenda sa EPIRA dapat nakatutok sa pagbaba ng presyo ng kuryente,” ani Gatchalian.

Kasunod ang pahayag ng senador sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kinakailangan nang repasuhin ang EPIRA.

Sinabi ni Gatchalian na sinusuportahan niya ang panawagan ng Pangulo na amyendahan ang EPIRA upang matugunan ang mga isyu tungkol sa sektor ng enerhiya kabilang na ang mataas na presyo.

Ayon sa mambabatas, dapat amyendahan ang EPIRA para mabigyan ng mas maraming ngipin ang Energy Regulatory Commission (ERC) laban sa mga industry players na bigong magpatupad ng kanilang mandato.

“Malaki ang papel ng ERC sa industriya at gusto natin ng mas matibay na probisyon sa EPIRA na magbibigay ng kapangyarihan sa ERC na magregulate ng mas maigting,” sabi niya.

Binigyang-diin ni Gatchalian na dapat magkaroon ng sapat na kapangyarihan ang ERC upang ipatupad ang mandato nito na protektahan ang interes ng mga mamimili at ang charter nito dapat magsulong ng kalayaan, transparency, at accountability.