Acidre Tingog Party-list Rep. Jude Acidre

Gaya nina ‘Mary Grace Piattos’ at ‘Kokoy Villamin’, assassination plot kay VP Duterte ‘peke’ rin

34 Views

NANINIWALA ang isang miyembro ng Kamara de Representantes na ‘peke’ o gawa-gawa lamang ang sinabi ni Vice President Sara Duterte na mayroong nais pumatay sa kanya, gaya ng mga karakter na sina “Mary Grace Piattos” at “Kokoy Villamin” na ginamit na tumanggap ng confidential fund ng Ikalawang Pangulo.

Tinawag ni Assistant Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na “peke” ang mga alegasyon ni Duterte ukol sa banta ng pagpatay at patunay dito aniya ang kawalan at hindi nila pagre-report nito sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

“The supposed assassination threats against Vice President Duterte are fake—completely unfounded and baseless,” ayon pa kay Acidre ng House committee on overseas workers affairs. “They are as fabricated as the names ‘Mary Grace Piattos’ and ‘Kokoy Villamin,’ which were used to justify the alleged misuse of confidential funds.”

Dagdag pa niya: “If there were any threats, the only one we’ve heard making them is the Vice President herself,” na tinutukoy ang kontrobersyal na pahayag ni Duterte na umano’y kumuha siya ng “hit man” upang puntiryahin sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, kung sakaling may mangyari sa kanya.

Nagsimula na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) ng kanilang imbestigasyon sa mga naging pahayag ni Duterte.

Inihalintulad ni Acidre ang mga banta ni Duterte sa mga pekeng identity nina “Mary Grace Piattos” at “Kokoy Villamin,” mga pangalan sa mga acknowledgment receipt na isinumite ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa Commission on Audit (COA) bilang patunay ng paggastos sa kabuuang P612.5 milyong confidential fund.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), walang anumang rekord sina “Mary Grace Piattos” at “Kokoy Villamin” sa kanilang database kaya pinaniniwalaang gawa-gawa lamang diumano ang mga pangalan para mabigyang katwiran ang paggastos sa pondo na hindi binibigyang linaw ni Duterte kung saan napunta.

Nakuha ni “Mary Grace Piattos” ang atensyon ng mga kongresista dahil kapangalan nito ang isang restaurant at isang brand ng potato chips.

Sa dalawang acknowledgment receipt na may pangalang Kokoy Villamin, magkaiba naman ang sulat kamay at ang pirma.

Dahil dito, humingi ng tulong ang komite sa PSA upang malaman kung mayroong rekord sa kanila ang mga ito.

Duda ni Bataan Rep. Geraldine Roman, ang chairperson ng House committee on women and gender equality, na ang mga alegasyon ni Duterte ay isang paraan upang humingi ng simpatiya sa publiko.

“Honestly, wala akong naramdaman o na-perceive na pagbabanta sa buhay ng ating Bise Presidente,” ayon kay Roman.

“Looking at the videos of her threats against the President and her claim na siya ang pinagbabantaan ng buhay, parang ang interpretation ko doon ay parang it’s a call for help,” dagdag pa ni Roman. “Maybe naghahanap siya ng simpatiya mula sa kanyang mga supporters. For me, it’s non-existent. Hindi ako naniniwalang may pagbabanta talaga sa buhay ni VP Sara.”

Sa kabila nito ay nangangamba si Roman laban sa umano’y pagbabanta ni VP Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“As we have established and what we have seen is talagang mayroong pagbabanta sa buhay ng ating Pangulo,” aniya.

Parehong sinabi ng PNP at AFP na wala silang ebidensyang sumusuporta sa mga pahayag ni Duterte tungkol sa mga tangkang pagpaslang laban sa kanya.

Kinumpirma ni Fajardo na bagamat binanggit ni Duterte ang mga “dokumentadong banta,” wala pang kopya ng mga ganitong dokumento na ibinigay sa mga awtoridad.

“If we listen to various reports from our law enforcement agencies—whether military or police—there is no proof of any attempts or threats to the life and safety of our Vice President,” ayon kay Acidre.

Kinondena rin niya ang desisyon ni Duterte na ilabas sa publiko ang mga diumano’y banta nang walang ebidensya, at tinawag niyang iresponsableng mga pahayag.

“These threats, without solid evidence, are only in the mind of the Vice President. For someone with that mandate, to express this without clear evidence is basically contributing to greater instability that does not help our country,” giit pa ni Acidre.

Ang pahayag ni Duterte sa umano’y target ng pagpatay ang mag-asawang Marcos at si Speaker Romualdez ay tinuligsa ng mga mambabatas, eksperto sa seguridad at publiko, kaya’t nagsagawa ng imbestigasyon ang NBI.

Ayon sa mga kritiko, ang ganitong pahayag mula sa Bise Presidente ay maaaring magpahina ng tiwala ng publiko at magdulot ng pangamba sa mamamayan.

Hamon ni Acidre kay VP Duterte na magpakita ng konkretong ebidensya kung totoo ang kanyang mga alegasyon.

“I hope the Vice President considered that before making such statements, they should present evidence that has been examined and confirmed by our police and military,” ayon pa sa mambabatas.