Calendar
Ginang, 55, pumila sa DSWD cash aid, nawalan ng malay, dead on arrival sa ospital
DEAD on arrival sa isang ospital ang 55-anyos na ginang matapos mawalan ng malay at bumagsak habang nakapila para sa cash assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa loob ng Quezon City Hall nitong Martes ng umaga.
Ayon sa report nangyari ang insidente dakong alas-7:55 ng umaga sa Risen Garden sa loob ng Quezon City Hall Compound sa Brgy. Central.
Dumating umano ang biktima sa city hall upang kunin ang ayuda mula sa DSWD ngunit habang nakapila kasama ng iba pang claimants ay bigla na lamang itong natumba at una ang noong tumama sa sementadong sahig.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office at isinugod si Aling Marlene sa East Avenue Medical Center, ngunit idineklarang dead on arrival alas-8:30 ng umaga.
Ayon sa anak ng biktima na si Jane, alas-7 ng umaga nang umalis ng bahay ang kanyang ina upang magtungo sa Quezon City Hall para kunin ang cash assistance.
Lumitaw rin sa imbestigasyon na noong 2021 ay naospital na ang biktima sa Quezon City General Hospital dahil sa hypertension at paglaki umano ng puso.
Sa isinagawang cursory examination, natuklasang nagtamo ng sugat sa noo ang biktima.

