Edd Reyes

Ginawaran ng 2024 SGLG ng DILG umabot ng 714

Edd Reyes Dec 11, 2024
86 Views

UMABOT pala sa kabuuang bilang na 714 na mga Local Government Units (LGUs) ang ginawaran ng 2024 Seal of Good Local Governance (SGLG) ng Department of Interior and Local Government (DILG) na pinakamataas na bilang mula nang simulan ang paggagawad ng ganitong parangal.

Kinabibilangan ito ng may 41 lalawigan, 96 na lungsod, at 577 na munisipalidad sa buong bansa kung saan ang iba ay napagkalooban pa lamang sa unang pagkakataon habang mayroon naman na walong sunod-sunod na taon ay ginagawaran ng naturang parangal.

Habang tumatagal, parami ng parami ang mga lokal na pamahalaan na napagkakalooban ng SGLG na nangangahulugan lamang na mas maraming mga lokal na opisyal ng pamahalaan ang talagang nagsusumikap upang mapanatili ang mahusay na pamamahala.

Dito nga lang sa Metro Manila, maraming mga lungsod ang paulit-ulit na tumatanggap ng taunang parangal habang ang ilan ay ilang beses na ring nagawaran kahit pumatlang ng isa o dalawang taon at mayroon naman na unang pagkakataon lang nagawaran ng SGLG.

Tulad na lang sa Caloocan City, nagsimula silang tumanggap ng parangal sa panahon pa ni Mayor Oca Malapitan hanggang sa maupo ang kanyang anak na si Mayor Along kaya walong sunod-sunod na taon nagawaran ang lungsod ng SGLG.

Ang Navotas City naman, sa panahon pa ni Mayor Toby Tiangco hanggang sa maisalin ang pamumuno sa kapatid na si Mayor John Rey Tiango ay nagawaran na rin ng anim na SGLG at ito’y sa mga taong 2015, 2017, 2019, 2022, 2023 at ngayong 2024.

Ikalawang sunod na taon naman ngayon na nagawaran ng parangal ang Malabon City sa pamumuno ni Mayor Jeannie Sandoval na aniya ay nagpapatunay na hindi aniya siya tumitigil sa pagbuo, pagbibigay ng dekalidad na programa at serbisyo para sa mga Malabueño.

Dalawang sunod na ring tumatanggap ng parangal si Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian na patunay na kahit napakarami ng magagandang proyekto at programang ipinamana sa kanya ang mga kapatid na sina Senator Sherwin at DSWD Secretary Rex Gatchalian ay patuloy pa rin siyang lumilikha ng mga bagong programa at proyekto para sa kanilang mamamayan.

Tumanggap din ng naturang parangal sina Mayor Mel Aguilar at Vice Mayor April Aguilar ng Las Pinas City dahil nagampanan nila ang mga panuntunan at alituntuning nakasaad sa paggagawad ng SGLG.

Kakaiba naman ang unang pagtanggap ng naturang parangal ng Lungsod ng Maynila dahil buong pagmamalaki itong inihayag ni Mayor Honey Lacuna kahit ito ang kauna-unahang SGLG na nasungkit ng kapitolyo ng bansa.

Siyempre, proud na proud si Mayora, ang kaunaunahang babaing alkalde ng Maynila, dahil sa panahon lamang niya nagawaran ng ganito kataas na pagkilala ang lungsod mula sa DILG.

Mga tricycle driver, nangha-harass ng pasaherong ayaw sumakay sa kanila

MAGANDA sanang mamili sa sangay ng Puregold sa Tayuman sa kanto ng Juan Luna St sa Tondo dahil bukod sa malaki ang naturang supermarket, maluwag at walang bayad ang parking ng mga sasakyan.

Ang problema, laging inirereklamo ng mga mamimili ang pangha-harass ng mga tricycle driver na nagte-terminal sa loob ng supermarket na nagpupumilit na sa kanila sumakay ang papalabas ng customer at may halo pang pambu-bully at pang-iinsulto kapag hindi sumakay sa kanilang tricycle.

Siyempre, wala namang mag-aaksaya pa ng panahon na maghain ng pormal na reklamo laban sa pangha-harass, pambu-bully at pang-iinsulto ng kuyog na mga tricycle driver lalu na’t teritoryo nilang itinuturing ang lugar.

Kung tutuusin, malapit lang ang detachment ng pulisya sa naturang supermarket na puwede sigurong magpa-alis ng mga nangha-harass na tricycle driver sa loob ng compound ng naturang supermarket pero hangga’t walang pormal na reklamo, hindi nila siguro alam na may ganitong nangyayari.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].