Ka Buchoy

Gipit na ba ang Kampanya ni Leni?

Ka Buchoy Mar 30, 2022
303 Views

MAYROON tayong kasabihan na ang taong nagigipit, kahit sa patalim kumakapit. Sa aking pakiwari nasa ganitong hantungan na ang kampanya ni VP Leni.

Umpisahan natin sa resulta ng pinakabagong LAYLO SURVEY na isang pinagkakatiwalaang sukat ng saloobin ng mga botante. Batay sa resulta ng Marso, nasa 61% si BBM habang si Leni ay 18%! Nasaan yung ibinabandera ng Team Leni na “surge” o sorpresang pag-angat? Hindi ba Ayon sa kanila ay dinumog ng napakaraming tao ang kanilang mga rally at motorcade? Sa buong kasaysayan ng ating republika wala pang kandidato, sa aking pagkakaalala ang tumala ng ganito kalaking lamang. Wala!

Pangalawa, may mga hudyat na rin na nangingibabaw ang pagkabahala sa pangasiwaan ng Team Leni. Katibayan nito ay ang panawagan mismo ng mga lider ng kampanya na magsagawa ng kampanyang bahay-bahay at tao-sa-tao upang himukin ang mga di nila kapanalig na iboto si Leni Robredo sa pagkapangulo.

Napapakamot ako sa ulo ng kakaisip kung bakit nila naisip mangampanya ng man-to-man, lalo na’t itoy gagawin sa mga maka-BBM. Ang dahilan sapul sa simula ay nang tinatakan nilang bobo, tanga at troll ang mga di nila kapanalig, kasama na ang manunulat na ito. Hindi karaka-raka makakalimutan ni mapapatawad ang ganitong asal matapobre na ipinamalas nila sa higit na nakararami nating kababayan.

Pangatlo ay ang paglitaw ng likas na katauhan ng Tropang Leni: ang pagiging Trapo.

Tandaan natin na si Leni ay tumiwalag sa Partido Liberal kahit na siya ang umuupong Chairwoman nito upang tumakbo bilang “independent.” Kaniya rin iwinaksi ang kinasusuklamang kulay dilaw para sa kaniyang “kulay rosas” para dumistancia at maiba sa Partidong nagbigay sa atin ng bulilyaso sa Bagyong Yolanda, at ng kalunos-lunos na sinapit ng mga nasawing bayani na SAF 44.

Ganunpaman kitang-kita pa rin ang presensya ng LP sa mga rally at sa mga gawaing pangkampanya. Bagay na ikinababahala ng mga progresibo o maka-kaliwang elemento sa kaniyang koponan. Ang dahilan? Nais nilang angkinin at i-kontrol ang magiging programa de gobierno ni Leni, habang ganito din ang gusto ng malalaking negosyanteng namumuhunan sa kampanya ni Leni. Sa madaling salita may banggaan ng magkasalungat na interes sa loob ng Team Leni.

Para sa dagdag na kaalaman patungkol sa mga palpak na galaw ng Team Leni, basahin nyo rin ang kolum ng Brod ko na si Citizen Barok patungkol sa kahina-hinalang alyansa nina VP Leni at dating House Speaker Pantaleon “Panty” Alvarez.

Sa mga darating pang Araw, makikita natin at lalong sisidhi ang mga kontradiksyon at banggaan sa loob ng Team Leni, lalo na’t walang makahulugang pag-unlad na nakikita sa iba’t ibang mapagkakatiwalaang survey tulad ng Publicus, SWS at Pulse. Huwag na natin isama ang Google at Facebook survey dahil napabulaanan na ang mga ito ng mga dalubhasa sa Matematika at Data Science.

Hanggang dito na lamang mga abang, kabayan, kasangkayan at paisano. Amping ta kanunay!