Gloria

Gloria Romero binigyang-pugay sa Senado

26 Views

IPINASA ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang Senate Resolution No. 1290 bilang pagpupugay sa buhay at kontribusyon ng yumaong aktres na si Gloria Anne Borrego Galla, mas kilala bilang Gloria Romero, na pumanaw noong Enero 25, 2025, sa edad na 91. Kinilala ang kanyang mahalagang papel sa pagpapayaman ng pelikulang Pilipino at kulturang pambansa.

“Hindi maitatanggi na nakaukit na ang pangalan na Gloria Romero sa mundo ng pelikulang Filipino maging sa daigdig ng telebisyon. Mahirap tumbasan ang higit sa dalawang daan at limampung pelikula at TV shows na nagawa niya sa loob ng mahigit na anim na dekada at tumatak sa mga manonood,” ani Estrada.

Sa paghahain ng SRN 1290 bilang pakikiramay at pakikidalamhati ng Senado sa pagpanaw ng “Reyna ng Pelikulang Pilipino,” binigyang-diin ni Estrada ang hindi matatawarang ambag ni Romero, hindi lamang sa larangan ng pag-arte kundi maging sa industriya ng sining.

Kinilala si Romero sa kanyang pambihirang kagandahan, kahinhinan, at husay sa pagganap sa telebisyon at pelikula. Ayon kay Estrada, nanatili siyang isang huwarang babae at aktres sa loob ng maraming taon.

“She was also known as the ‘First Lady of Philippine Cinema’ for starring as the on-screen partner of major actors of her time. My father, former President Joseph Estrada, was fortunate to be among them as she was his leading lady in the film Patria Adorada which was named as the best picture in the 4th Manila Film Festival held in 1969,” aniya.

Nagsimula ang si Romero sa pelikula noong 1949 bilang extra sa pelikulang Ang Bahay sa Lumang Gulod. Kalaunan, umangat siya sa industriya at gumanap sa mahigit 250 pelikula at palabas sa telebisyon. Ang kanyang pagganap sa 1954 romantic comedy film na Dalagang Ilocana ang nagbigay sa kanya ng kauna-unahang FAMAS Best Actress Award sa edad na 21.

Nagpatuloy ang kanyang tagumpay sa mga pelikulang Tanging Yaman (2000) at Magnifico (2004), kung saan muling ipinamalas ang kanyang kahusayan sa pag-arte. Sa edad na 85, ginawaran siya ng Best Actress Award sa Metro Manila Film Festival para sa kanyang pagganap sa Rainbow’s Sunset (2018).

Bilang isang ipinagmamalaking talento ng Sampaguita Pictures, lumabas siya sa mga klasikong pelikula tulad ng Prinsesa at Pulubi, Dugong Bughaw, at Bernardo Carpio. Ang kanyang pakikipagtambal sa malalaking bituin ng kanyang panahon ay nagpatibay sa kanyang pamana sa industriya ng pelikulang Pilipino.

Tumanggap si Romero ng maraming pagkilala, kabilang ang Ulirang Artista Award mula sa Philippine Movie Press Club (1995), Iconic Movie Queens of Philippine Cinema citation mula sa FAMAS (2015), at Lifetime Achievement Award mula sa Film Development Council’s Parangal ng Sining (2024).

Bilang pagpapakita ng pasasalamat at respeto sa kanyang di-matatawarang kontribusyon sa sining, isang kopya ng resolusyon ang ibibigay sa kanyang pamilya.

“The Senate, along with the entire Filipino nation, mourns the loss of a cinematic legend whose legacy will continue to inspire for generations to come,” ani Estrada.