Torre Panauhin si GM Torre at iba pang mga miyembro ng Philippine team sa nakalipas na “Sports on Air”.

GM Torre sasabak sa American Open

Robert Andaya Sep 1, 2022
373 Views

BIYAHENG Amerika si GM Eugene Torre sa Nobyembre.

Inanunsyo ni Torre ang kanyang paglahok sa 57th American Open chess championships sa Double Tree Hilton Hotel sa Anaheim, California sa darating na Nobyembre 22-27.

“I’m very happy to play in the US again. I was invited to play in the second oldest chess tournament in California,” pahayag ni Torre sa kanyang pagbisita sa 35th “Sports on Air” program via Zoom kamakailan

Sinabi ng 70-year-old Filipino champion, na gumawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang grandmaster hindi lang sa bansa kundi buong Asya nung World Chess Olympiad sa Nice, France nung 1974, na ang pagkakataon na makalaro sa Amerika ay magandang oportunidad din para dalawin ang kanyang pamilya sa Alaska at makaharap muli ang kanyang mga kaibigan, kababayan at iba pang taga-suporta sa international chess community.

“I was happy to accept this invitation because this will give me the chance to visit my daughter and grandchildren in Alaska. It’s been a while na hindi ko sila nabisita dahil sa pandemic. I think the last time was in 2017 pa,” pakiwanag ni Torre.

“But more than that, this is also my chance to meet our Fil-Am chess players again. Madami silang mga Pilipino na naglalaro ng chess dun. It’s a good opportunity to meet them dahil matagal ko na silang hindi nakikita,” dugtong pa ni Torre, na inalala ang kanyang madalas na pagbisita sa Estados Unidos nung kapanahunan ng yumaong American champion Bobby Fischer.

Gayunman, inamin ni Torre na kailangan niya muling magsanay bago muling makipagsabayan sa mga kapwa batikang players.

“Matagal na din akong hindi naglalaro. Madalas coach na lang. Kaya kailangan konting hasa ngayon sa mga tirada ko bago ang tournament,” paliwanag pa niya.

“Pero lagi ko ngang sinasabi, ang kagandahan sa chess, kahit anong edad ka ay may tournaments kang pwedeng salihan. Sa chess, from seven years old to forever pwede kang maglaro sa mga tournaments. Kaya let’s encourage people to play chess dahil madaming benefits ito.”

“Hopefully, makalaro kami ni GM Joey (Rogelio Antonio Jr.) sa World Seniors. Natandaan ko si Joey, naka-second place pa sya.”

Kasama ni Torre sa naturang weekly online sports forum sina GMs Rogelio Barcenilla Jr. at Darwin Laylo, IM Paulo Bersamina at WIMs Marie Antoinette San Diego at Kylen Joy Mordido.