Calendar
Gobyerno hinimok itigil talamak na bentahan ng ilegal na droga, pampalaglag online
“BENTAHAN ng illegal na droga online?”
Dahil dito ay umapela si Senate President Vicente Sotto III sa mga ahensiya ng pamahalaan na higpitan ang pagbabantay at pagpapatupad ng batas laban sa talamak na bentahan ng ilegal na droga at abortifacients sa social media at mga e-commerce platform.
Sa pagdinig ng Senado para sa panukalang 2026 budget ng Department of Trade and Industry (DTI), sinabi ni Sotto na makikita sa mga pangunahing platform ang mga produktong ipinagbabawal, gaya ng abortifacients at ang hallucinogenic cactus na peyote.
“I asked the Department of Information and Communications Technology regarding the proliferation of illegal substances being sold on various online platforms. You can see them there,” ayon kay Sotto.
Sinabi niya na ipinaabot na ng DICT sa DTI ang usapin, kaya’t tinanong niya kung ano ang mga kongkretong hakbang at regulasyon na ipinatutupad ng ahensiya laban sa mga online seller.
Ayon kay Sen. Imee Marcos, sponsor ng DTI budget, tila “nakalulusot” pa rin ang mga nagbebenta sa kabila ng patuloy na pagbabantay. Pinaliwanag niya na limitado sa 30 araw ang bisa ng government takedown orders sa ilalim ng Internet Transactions Act maliban na lamang kung may court order. “After 30 days, they come back again. There has been no filing of cases in court, so violations persist,” sabi ni Marcos.
Hinimok ni Sotto ang DTI na palakasin ang pagbabantay at pagpapatupad upang hindi na makabalik ang mga nagbebenta ng ilegal na droga at hindi awtorisadong abortifacients matapos ang pansamantalang takedown.

