Gobyerno inudyok ihinto iligal na gamit ng ECBS

13 Views

NANAWAGAN si Senadora Grce Poe sa mga ahensya ng pamahalaan at mga kumpanyang telekomunikasyon na agarang kumilos kasunod ng mga ulat ukol sa paggamit ng Emergency Cell Broadcast System (ECBS) upang magpadala ng mga mensaheng may kinalaman sa kampanyang politikal.

Sa isang pahayag na may petsang Abril 7, 2025, sinabi ni Poe: “The use of Emergency Cell Broadcasting System (ECBS) for political campaign is alarming and must be stopped.”

Ang ECBS ay isang sistema na ginagamit para magbigay ng agarang babala sa publiko tuwing may mga sakuna gaya ng bagyo, lindol, at iba pang emergency. Kamakailan, may mga ulat mula sa iba’t ibang lalawigan hinggil sa umano’y paggamit ng ECBS para sa mensaheng kampanya, na nagdulot ng pangamba sa publiko at mga opisyal.

Binigyang-diin ni Poe ang mga posibleng panganib ng maling paggamit sa naturang sistema. “The incident does not only compromise the integrity of the emergency alert system, but may also pose threats to our safety and security as hackers may use this to broadcast fake news,” aniya.

Ipinaalala rin niya na dapat suriin at palakasin ng mga kaugnay na ahensya at kumpanya ng telekomunikasyon ang estruktura ng ECBS upang maiwasan ang muling pag-abuso.
“Concerned government agencies and telecommunications firms must seriously address this vulnerability in the system infrastructure to prevent further exploitation by those with evil intentions,” saad pa ni Poe.

Dagdag pa niya, dapat ay mapanagot ang mga responsable sa insidente: “Authorities must also run after the hackers and charge them.”

Bagama’t hindi siya nagturo ng sinumang indibidwal o grupo, hinikayat ni Poe ang mga kandidato na isulong ang patas at tapat na pangangampanya. “Without accusing anyone guilty, we hope candidates can rein in their supporters to campaign fairly and honestly as we all want clean and credible elections,” dagdag niya.

Sa panig ng pamahalaan, sinimulan na ng Department of Information and Communications Technology (DICT), National Telecommunications Commission (NTC), at Commission on Elections (Comelec) ang kani-kanilang imbestigasyon ukol sa napaulat na maling paggamit ng ECBS. Ipinabatid ng mga kumpanyang telekomunikasyon na ang naturang sistema ay para lamang sa mga abisong pang-emergency at hindi nila ito ginamit sa anumang mensaheng politikal.

Muling iginiit ng ilang opisyal na ang hindi awtorisadong paggamit ng mga kagamitan sa text blast para sa pangangampanya ay maaring lumabag sa umiiral na mga regulasyon sa telekomunikasyon at halalan. Patuloy pa ang imbestigasyon.