Galvez

Gobyerno sumaklolo sa mga pasahero ng nasunog na barko

182 Views

PATULOY umano ang tulong na ibinibigay ng gobyerno sa mga pasahero ng nasunog na barko sa Baluk-Baluk Island sa Basilan.

Ayon kay Department of National Defense officer-in-charge Senior Undersecretary Carlito Galvez Jr. nasa P700,000 na ang kabuuang naitulong sa mga pasahero.

Kabilang dito ang P640,000 financial assistance na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at lokal na pamahalaan ng Basilan at P71,000 halaga ng food at non-food items.

Sinabi ni Galvez na nagbigay ang mga lokal na pamahalaan sa Basilan at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ng mga hygiene kits at damit sa mga apektadong pasahero.

Nagbigay din ng pagkain ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga biktima.

Ang mga tauhan ng DSWD ay nagbibigay din umano ng psychosocial intervention sa mga pasahero na nanunuluyan sa DSWD Home for Women sa Mampang, Zamboanga City.

Tumulong din ang Philippine Red Cross sa pagbibigay ng first-aid treatment sa mga pasahero at nagbigay ng mga cadaver bag para sa mga nasawi.

“During the retrieval operations, it came out that out of the 18 bodies visually identified, only 17 actual cadavers were recovered from the scene. Subsequently, the said bodies were brought to Villa Arcega Funeral Homes in Zamboanga City for proper identification and disposition,” dagdag pa ni Galvez.

Nasa 28 na ang naitalang nasawi, 32 ang nawawala at 227 ang nakaligtas sa pagkasunog ng barko.