Goltia Bilib si Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia sa pagpalag ni DND Sec. Gilberto Teodoro sa mga tanong ng dalawang mataas na opisyal ng militar ng Tsina sa taunang security forum na ginanap sa Shangri-La hotel sa Singapore. JONJON C. REYES

Goitia, grupo nagpahayag ng suporta kay Teodoro

30 Views

SUPORTADO ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang pagpalag ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro sa pambu-bully ng opisyal ng militar ng Tsina sa security forum sa Shangri-La hotel sa Singapore.

Ang deklarasyon ng pagsuporta ay ipinahayag sa pamumuno ni Goitia kasama ang libu-libong miyembro na kumakatawan sa mga grupo ng Alyansa ng Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement at Peoples Alliance for Democracy and Reform (PADER).

Matagal ng nagpapakita ng pagtutol ang mga grupong ito sa mga agresibong pag-atake ng Tsina sa Pilipinas na paglabag sa kasunduang pinirmahan sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) noong Disyembre 10, 1982.

Ayon kay Goitia, ang mga binitiwang tanong ng dalawang opisyal ng Tsina ay isang pakana para magbigay ng marahas na tugon si Teodoro sa problema ng maritime dispute sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon pa kay Goitia, hinangaan niya ang katapatan ni Secretary Teodoro sa pagtugon sa mga tanong ng dalawang military opisyal ng Tsina.

“Ang pagsagot ni Secretary Teodoro ay maituturing na isang hindi direktang pang-iinsulto na nagmula sa isang opisyal na may integridad na katulad niya,” ayon kay Goitia.

Idinagdag pa niya na ang kanilang grupo ay sumusuporta sa pahayag ni Secretary Teodoro na bagamat ang Pilipinas ay kabilang sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ito ay isang sovereign country na may sariling territorial na integridad at soberanya na may respeto sa UNCLOS.

Idiniin niya na sobra na ang paglapastangan at pambubully ng Tsina sa ating karapatan dahil sa napakarami ng napaulat na agresibong aksyon ang ginagawa ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas.

Upang ipakita ang kanilang pagkadismaya sa ginagawa ng gobyerno ng Tsina, pangungunahan ng PADER ang pagsusulong ng ibat-ibang mass actions sa Mendiola at sa harap ng Chinese Embassy sa Makati City samantalang ang ABKD AT FDNY-Movement magra-rally sa harap ng tanggapan ng DND.