POGO1

Goodbye POGO na, salamat sa EO No. 74

Chona Yu Nov 8, 2024
82 Views

INILABAS na ng Malakanyang ang Executive Order No. 74 na magpapatupad ng immediate ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), internet gaming, at iba pang uri ng offshore gaming operation sa bansa.

Nakasaaad sa EO na hindi na papayagan ng Philippine Amusement and Gaming Corp (Pagcor) na maaprubahan ang mga bagong lisensya ng anmang POGO entity at hindi na rin papayagan ang renewal o extension ng lisensya.

Ipinag-uutos din ng EO ang tuluyang paghinto ng operasyon sa Disyembre 31, 2024 o mas maaga pa.

Itatatag naman ang Technical Working Group on Employment Recovery and Reintegration na tutugon sa problema ng mga mawawalan ng trabaho dahil sa POGO ban at Technical Working Group on Anti-Illegal Offshore Gaming Operations na magpapaigting ng crackdown laban sa POGO.

Inaatasan ang Presidential Anti-Organized Crime Commission, Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine National Police, National Bureau of Investigation at iba pang law enforcement agencies na palakasin ang kampanya laban sa illegal POGO habang hiniling ang pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor.

Nakasaad sa EO na sinumang opisyal ng gobyerno na mabibigong magpatupad sa kautusan maaaring mag-ugat sa administrative o disciplinary actions.

“Further, any person or entity who participates, or in any manner supports, finances, abets or aids in illegal offshore gaming operations or services shall be dealt with to the fullest extent of the law,” saad ng EO.

Magiging epektibo ang EO 15 araw mailathala sa Official Gazette o sa mga malalaking pahayagan.

Nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang EO noong Nobyembre 5 at agad na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.