Press Ipinaliwanag ni Laguna Gov. Sol Aragones ang papel na gagampanan ng 90 help desk officers na itatalaga sa mga pampublikong ospital sa Laguna. GIL AMAN

Gov. Sol nagtatag ng Isumbong Mo Kay Gob program

Gil Aman Sep 5, 2025
389 Views

STA. CRUZ, Laguna–Inilunsad ni Laguna Gov. Sol Aragones ang programa niyang “Isumbong Mo Kay Gob” noong Huwebes sa Laguna Medical Center at ipinakilala ang 90 help desk officers na tutulong sa mga pasyente at health workers sa iba’t-ibang ospital sa lalawigan.

Aabot ng 24 oras simula sa Sept. 8 ang 2025 ang duty ng mga help desk officers para tumugon sa mga nangangailangan ng serbisyo ng ospital.

Dumaan sa pagsasanay ang mga itatalagang help desk officers para magbigay-gabay sa mga pasyente, ayon sa gobernador.

“Unang requirement ay may puso sa paglilingkod,” sabi ng opisyal.

Nagpaabot ng buong suporta sina Dr. Odilon Inoncillo, OIC ng Provincial Health Office, at Dr. Eric Tayag, Laguna Health Consultant, at pinuno ng mga direktor ng siyam na district hospital.

“Pangunahing hangarin ay lahat tayo nakangiti,” sabi ni Dr. Tayag.

Ipinahayag din ng Gobernador na minamadali na ang pagbibigay ng hazard pay sa mga bagong opisyal bukod pa sa pagkakaloob ng sariling cellphone at load allowance para sa bawat help desk.

Tiniyak niya ang paunang allowance para sa karamihan ng mga opisyal na pawang kabataan.