Grijaldo

Grijaldo nagdadahilan para makaiwas sa Quad Comm – Chairmen Abante, Fernandez

52 Views

INAKUSAHAN ng dalawang co-chairman ng Quad Committee ng Kamara de Representantes si Police Col. Hector Grijaldo na nagdadahilan na mayroong kondisyong medikal upang matakasan ang pananagutan sa komite.

Ginawa nina Reps. Bienvenido “Benny” Abante Jr. ng Manila at Dan Fernandez ng Santa Rosa City sa Laguna, na siya ring tagapangulo ng Human Rights Committee at Committee on Public Order and Safety, ang pahayag matapos hindi pa rin sumipot si Grijaldo sa pagdinig.

Tatlong beses nang inimbitahan ng Quad Comm si Grijaldo para ipaliwanag ang mga alegasyong niyang binitiwan sa pagdinig ng Senado noong October 28 kung saan inakusahan niya si Abante at Fernandez na pinilit siyang sangaayunan ang testimoniya ng ilang senior police officers sa pagkakaroon ng reward system para sa extrajudicial killings (EJK) sa ipinatupad na war on drugs ng administrasyong Duterte.

Kapwa pinabulaanan ng dalawang co-chairperson ang akusasyon.

“This is already the third time that he failed to respond to our invitation, citing the same medical reason. I think he is trying to hide. You can hide but you cannot run from this committee,” sabi ni Abante.

“He must appear before us again. Tell us about his accusation,” sabi niya.

Sabi pa niya na tutupad sila ni Fernandez sa nauna nang pangako na mag-inhibit mula sa Quad Comm oras na lumitaw si Grijaldo

Ang iba pa ng miyembro ng komite ay maaari siyang tanungin.

Sa liham ni Grijado sa komite, sinabi niyang hindi siya makakapunta dahil na sa ospital para gamutin ang “rotator cuff syndrome.”

Pero hindi kinagat ni Fernandez ang palusot ng opisal.

“He is trying to run away from his responsibility. He wants to evade this inquiry. Ayaw niyang panindigan yung sinabi niya sa Senado,” aniya

Sa mosyon ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano, inatasan ni Quad Comm lead chairman Rep. Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte nag doktor ng Kamara na tingnan ang kondisyong medikal ni Grijaldo.

Iminungkahi naman ni Bukidnon Rep. Keith Flores, na sumama ang medical office ng Philippine National Police sa pag-alam sa kondisyon ng pulis kung kaya pa ba niyang manatili sa serbisyo.

Kung lumabas na may permanent physical disability si Grijaldo ay maari na itong mag-apply para sa pagreretiro ani Flores.

Una nang inabswelto ng dalawang abogado ni dating Police Col. Royina Garma, na naroroon sa sa naturang pulong, sina Abante at Fernandez at pinasinungalingan ang sinasabi ni Grijaldo na siya at pinilit.

Inimbitahan ang dalawang abogado para maging saksi.

Kapwa sinabi nina Garma at retired Police Lt. Col. Jovie Espenido na mayroong sistema ng pabuya sa madugong giyera kontra droga ng administrasyon.

Ayon kay Garma aabot ng hanggang P1 million pabuya sa mga high-value drug suspect na mapapatay.

Pagbabahagi naman ni Espenido na nanggagaling ang pabuya para sa reward kay Sen. Bong Go, na dati ay special assistant to the president ni Duterte.