Tabako

Grupo binira bill na magbaba ng buwis sa tabako

Chona Yu Jan 31, 2025
15 Views

HUMIHIRIT ang grupong Aktibong Kilusan Tungo sa Iisang Bayan (AKTIB) sa mga kongresista na ibasura ang panukalang batas na magbababa ng buwis sa tabako.

Ayon kay Ernesto Ofracio, pangulo ng AKTIB, masyadong mapanganib sa kalusugan lalo na sa mga bata ang sigarilyo.

Pakiusap ng grupo na ibasura ang House Bill 11279 na naglalayong itigil ang 5 porsyentong taunang pagtaas sa buwis ng produktong tabako.

“Ang pananabotaheng HB no. 11279 hindi makatarungan! Hindi makatao!

At ito ay malinaw na paglabag sa karapatang pantao ng mamamayang Pilipino na naghahangad na mamuhay ng mapayapa, malusog at produktibo sa kaaya-ayang kapaligiran na malaya sa usok ng sigarilyo at vape.

Mahigit sa 400,000 ang karagdagang bilang ng mga malululong sa mga produktong tabako sa bansa sa 2030 kung papasa ang panukalang batas na ito.

Malinaw na ang makikinabang aang industriya ng tabako at hindi ang kagalingan ng mamamayang Pilipino,” pahayag ni Ofracio.

Iginiit ni Ofracio na dapat pang itaas ang buwis sa tabako para magamit na proteksyon sa mga bata at sa mga hindi naninigarilyo.

“Sa katunayan, ang mga mahihirap pumipila sa mga pampublikong ospital ng madaling araw pa lamang para magpagamot.

At malaki pa rin ang inilalabas na pera ng mahihirap mula sa kanilang bulsa para tugunan ang gastusin para sa medical laboratory tests at mga gamot,” pahayag ni Ofracio.

“Tinatayang aabot sa 220 milyong piraso ng sigarilyo ang babaha sa pamilihan sa napakababang presyo sa susunod na apat na taon kung maipapasa ang HB 11279.

Ayon sa pag-aaral ng World Bank noong 2017, kapag tumaas ang presyo ng sigarilyo, mas maraming mahihirap at kabataan ang tumitigil o nagbabawas ng paninigarilyo,” ani Ofracio.

Ayon kay Ofracio, isang kahibangan kung susuportahan at ipapasa ng mga kongresista ang panukalang batas.

“Nakadidismaya at nakakagalit na paulit-ulit na ibinabalandra ng mga politiko ang malasakit nila sa mahihirap, pero sila rin mismo ang pumipirma sa mga patakarang pro-tobacco industry na lalong nagpapahirap sa ating mga kababayan.

Klaro na mas pinapahalagahan nila ang interes ng tobacco companies kaysa sa 112,000 na buhay na nawawala taun-taon dulot ng paggamit ng tabako.

Dapat managot ang mga mambabatas na sunud-sunuran sa industriya ng tabako,” ayon kay Ofracio.