Smuggling Nanawagan si AGAP Rep. Nicanor Briones kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. hinggil sa presyo ng bigas na kahit umano bumaba hindi dama ng publiko.

Grupo humiling na mawakasan agri smuggling, profiteering

Jon-jon Reyes Jan 27, 2025
38 Views

NANAWAGAN ang AGAP Partylist kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., na tutukan at lutasin ang smuggling, hoarding at profiteering ng mga produktong pang-agrikultura, lalo na ang bigas.

Ayon kay AGAP Rep. Nicanor ‘Nikki’ Briones, hindi dama ng publiko ang pagbaba ng presyo ng bigas sa bansa at presyo ng imported na bigas lamang ang bumaba.

Nagtataka rin umano ang mga magsasaka kung bakit hindi pa bumaba ang presyo ng local rice kahit na bumaba na ang taripa at bumaba na rin ang presyo nito sa world market.

Dapat matutukan ito ng husto ng pamahalaan dahil mayroong mga nananamantala at nakikinabang ng husto sa pagpupuslit ng bigas.

Sinabi pa ng mambabatas na kailangan ng maparusahan ang mga hinihinalang cartel at rice manipulators sa bansa.

Matatandaang naharang kamakailan ang Bureau of Customs (BOC) ang pagpasok ng 21 containers ng smuggled frozen mackerel galing China sa Manila International Container Port (MICP) at sinampahan ng kaso ang kompanyang nagparating nito.

Sinabi ni Cong. Briones na nararapat lamang maparusahan ang may-ari nito dahil pasok ito sa batas na Anti-Economic Sabotage Act.

Sinampahan na ng kaso ang Pacific Sealand Foods Corp. subali’t sa mga isinasagawang pandinig hindi dumadalo ang may-ari ng kompanya na sina Michael Chay at Maria Teresa Chay.