Valeriano

Grupo ng CCBI dumulog kay Valeriano para ipagtanggol kanilang karapatan

Mar Rodriguez Oct 25, 2023
196 Views

DUMULOG kay Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang grupo ng Chamber of Customs Brockers Inc. (CCBI) sa pangunguna ng National President nito na si Anthony “Doc Tony” A. Cristobal para magpatulong patungkol sa implementasyon ng Republic Act No. 9853 at RA No. 10860 o ang “Custom Modernization and Tariff Act”.

Sa exklosibong panayam ng People’s Taliba, inilahad ni Cristobal na noong 2004 ay nilikha at isinabatas ang “Customs Brockers Act of 2004” sa ilalim ng Republic Act No. 9280. Kung saan, tanging ang mga lisensiyadong Brockers lamang ang may karapatang pumirma para sa mga pumapasok na imports declaration na dumadaan naman sa Bureau of Customs (BOC).

Gayunman, sinabi ni Cristobal na sa pagdaan ng panahon ay inamiyendahan ang RA No. 9280 sa pamamagitan ng Republic Act No. 9853 noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Kung saan, pinahihintulutan na nito ang isang attorney-in-fact na lumagda sa imports declaration.

Ipinahayag ni Cristobal na ang sentimyento ng kanilang grupo (CCBI) ay bakit pinapayagan ng nasabing batas (RA No. 9853) na pumirma ang isang Attorney-in-Fact sa isang imports declaration gayong hindi naman aniya ito lisensiyadong Brocker na hindi naman eksperto sa ganitong trabaho.

Idinagdag pa nito na sa nakalipas na panahon ay mas lalo pa umanong naging malabnaw ang implementasyon ng RA No. 9280 ng muli na naman itong amiyendahan noong 2016 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Kung saan, ipinaliwanag ni Cristobal na pinapayagan na ng naturang batas kahit ang driver lamang ng imports declaration consignee na pumira sa mga dokumento kahit walang presensiya ng licensed Brocker.

Binigyang diin ni Cristobal na dahil sa mga pangyayaring ito, hindi na magiging “accountable” ang mga pumapasok na imports declaration sa BOC sapagkat hinahayaan ng ginawang amendments ng RA. Nos. 9853 at 10860 na lumagda sa mga dokumento ang hindi awtorisado at tumatayong brocker na maaaring magresulta sa malayang pagpasok ng mga kontrabado.

“Ginawa ang RA No. 9280 o Customs Brockers Act of 2004 noong 2004. Kung saan, sa ilalim ng batas na ito ay pinayagan at pinahintulutan ang mga licensed brockers na pumirma sa mga dokemento. Pero ito’y inamiyendahan at hinahayaan na Attorney-in-Fact na pino-provide mismo ng importer na pumirma. Ang masama, hindi naman nag-aral ang mga iyan ng customs administration. Unlike kami inaaral naming ang customs law and tariff law,” sabi ni Cristobal sa panayam ng People’s Taliba.

Dahil dito, muling iginiit ni Cristobal na dumudulog sila kay Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development at lisensiyadong customs brocker, para maipaglaban ang kanilang karapatan sa pamamagitan ng tuluyang pagtatanggal sa implementasyon ng RA Nos. 9853 at 10860.

“Inilalaban talaga naming na kailangan ay mga license Brocker lamang ang maaaring pumirma sa mga dokumento. Ang gusto sana naming mangyari ay tanggalin na ang dalawang provision sa ilalim ng RA Nos. 9853 at 10860 at ibalik ang provision ng RA No. 9280,” pagtatapos ni Cristobal.