School Source: Deped FB file photo

Guidance counselor sa paaralan dagdagan

70 Views

DAPAT matugunan ang kakulangan ng Pilipinas ng mga guidance counselor, ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian.

Ibinahagi ni Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) Executive Director Dr. Karol Mark Yee ang kakulangan ng mga kwalipikadong guidance counselors sa Department of Education (DepEd).

Bagama’t may humigit-kumulang na 5,000 plantilla position para sa mga guidance counselors sa kagawaran, umaabot lang sa 300 ang natatapos sa kinakailangang master’s degree sa guidance and counseling para sa posisyon dahil sa kakulangan ng mga paaralang may master’s programs sa guidance and counseling.

Kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon, aabot sa 14 taon bago mapunan ang mga bakanteng posisyon, ayon sa executive director ng EDCOM II.

Maliban sa pagpapatatag sa school-based mental health program, isinusulong din ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 2200) na akda ni Gatchalian ang pag-hire sa mga kwalipikadong kawani sa paghahatid ng mga serbisyong pang-mental health.

Nililikha din ng naturang panukala ang mga bagong plantilla position na School Counselor Associate I hanggang V, School Counselor I hanggang IV at Schools Division Counselor.

Sa paglikha ng mas marami pang mga posisyon, binigyang-diin ni Gatchalian na maibibigay na sa mga mag-aaral ang mga kinakailangan nilang serbisyo sa mental health.

Sa ilalim ng panukalang batas, kailangang may Bachelor’s Degree in Guidance and Counseling, anumang Bachelor’s Degree na may 18 units ng courses sa Guidance and Counseling o Psychology, at anumang kaugnay na Bachelor’s Degree na may minimum na 18 units ng Behavioral Science subjects ang mga School Counselor Associate.

Kailangan na Registered Guidance Counselor o Registered Psychologist ang mga gusto maging School Counselor at Schools Division Counselor.

Ang mga kasalukuyang posisyon na Guidance Counselor, Guidance Coordinator at Guidance Services Specialist papalitan upang maging akma sa mga bagong posisyong nilikha ng batas.

“Kasabay ng pagkakaroon ng programa sa mental health ng ating mga mag-aaral, kailangan din nating tiyaking may sapat at mga kwalipikadong propesyonal upang maipatupad ang programa sa mga paaralan.

Mahalagang itaguyod natin ang kapakanan at kaligtasan ng ating mga mag-aaral dahil nakakabit ito sa kanilang kakayahang matuto,” ani Gatchalian.