bro marianito

Gusto ng Panginoon pananampalatayang may kasamang gawa

347 Views

May halaga ba ang pananampalatayang galing sa salita lamang pero kulang naman sa gawa (Mt. 21:28-32)

KAPAG ikaw ay binibigyan na ng pagkakataon para magbagong buhay at magbalik loob sa Diyos. Tatanggi ka ba? Iiwas ka ba?

May dahilan ba para iwasan natin ang magandang pagkakataon na makapag-bagong buhay at makapamuhay ng payapa?

Ganito ang ating mababasa sa Mabuting Balita (Mateo 21:28-32) tungkol sa talinghaga ng dalawang anak matapos anyayahan ng isang ama ang kanyang dalawang anak na magtrabaho sa ubasan.

Batay sa kuwento, tumugon ang panganay na lalaki sa kanyang ama na hindi siya pupunta sa ubasan para magtrabaho.

Subalit kalaunan ay nagbago ang isip nito at siya ay nagpunta sa ubasan para magtrabaho.

Ang kuwentong ito ay naglalarawan sa mga taong tumugon sa tawag at imbitasyon ng Panginoon na magbagong buhay at magbalik loob sa Kaniya.

Ang panganay na lalaki ay gaya ng ilan sa atin na matigas ang paninindigan at matigas ang kanilang mga puso na parang “pusong bato” na ang ibig sabihin ay wala silang balak magbagong buhay at mas ninanais nila ang isang pamumuhay na tigib ng kasalanan.

Subalit matapos silang makapag-isip isip at matauhan doon nila napagtanto ang pagbabalik-loob sa Panginoon.

Maaaring ito ay matapos silang hipuin ng Panginoon, dumating ang isang mabigat na pagsubok sa kanilang buhay o kaya naman ay iminulat ng Diyos ang kanilang isipan.

Anuman ang dahilan ng kanilang pagbabagong buhay at pagbabalik loob ang mahalaga ay tinugon nila ang tawag at imbitasyon ng Panginoong Diyos.

Samantalang ang kuwento naman sa bunsong lalaki ay naglalarawan sa mga taong inimbitahan at inanyayahan ng Diyos na magbago.

Bagama’t sila ay tumugon subalit hindi naman nakikita sa kanilang mga gawa ang tunay na pagbabago.

Ito ang ipinapakita sa Pagbasa na matapos anyayahan ng ama ang pangalawang anak na magtrabaho sa ubasan.

Bagama’t tumugon siya ng “Opo” subalit hindi naman siya nagpunta.

May mga nagsasabing sila ay maka-Diyos, sinasabi nilang sila ay panatiko at sagrado Katoliko.

Subalit hindi naman ito nakikita sa kanilang pamumuhay. Gaya sila ng bunsong anak sa Pagbasa na sumagot lamang ng “oo” pero hindi naman talaga nakikita sa gawa ang sinasabi ng kanilang bibig.

Itinuturo ng Ebanghelyo na ang pananampalataya sa Diyos ay walang halaga kung ito ay namumutawi lamang sa ating mga bibig.

Ang gustong makita sa atin ng Panginoon ay ang pananampalatayang may kasamang gawa.

Ano nga ba ang silbi ng isang pananampalatayang galing sa salita lamang subalit kulang naman sa gawa?

Makikita sa klase ng pamumuhay ng isang taong totoong nagbalik loob sa Diyos matapos siyang tumugon sa imbitasyon ng Panginoon.

Dahil makikita sa kaniya ang pusong mapagmahal, mahinahon at puno ng kababaang loob.

Habang ang taong nagsasabing sila ay maka-Diyos at sinasabing nagbalik loob sa Panginoon.

Pero hindi naman nakikita sa kanilang gawa ay gaya lamang ng bunsong anak sa kuwento na puro salita lamang.

AMEN