Calendar
Gutierrez: Duterte walang dapat ikatakot sa ICC kung inosente
WALA umanong dapat na ikatakot si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC) kung wala itong kasalanan, ayon kay dating Akbayan partylist Rep. Barry Gutierrez.
Ang linyang ito, ayon kay Gutierrez ay ginamit din ng administrasyong Duterte ng kanilang ipatupad ang war on drugs na ikinasawi ng libu-libong indibidwal.
“Dadagdag ko lang ang isang nausong hirit noong nakaraang administrasyon: Kung wala kayong kasalanan, bakit kayo takot na takot?” ani Gutierrez, na dating spokesman ni dating Vice President Leni Robredo.
“Kung pinaninindigan niyo ang pagpapatupad sa so-called “drug war” ninyo, bakit iwas kayo ng iwas sa ICC?,” dagdag pa ni Gutierrez.
Nauna ng sinabi ni Gutierrez na kumpiyansa ito na uusad na ang kasong kinakaharap ni Duterte sa ICC ngayong taon.
“This 2024 might see movement on the ICC case regarding the so-called drug war,” sabi in Gutierrez.
“If so, we should expect greater clarity on many of the issues – like this one – raised by witnesses such as former DDS insider Arturo Lascanas,” dagdag pa nito.
Nakapanayam ng investigative news agency na Vera Files ang self-confessed hitman na si Lascañas kaugnay ng operasyon ng Davao Death Squad noong si Duterte pa ang alkalde ng Davao City.
Pinuri ni dating Sen. De Lima ang rebelasyon ni Lascañas, na katulad umano ng kanyang testimonyang ibinigay sa Commission on Human Rights. Si De Lima ang chairperson ng CHR ng imbestigahan nito ang Davao Death Squad.
Si De Lima ay nakulong noong termino ni Duterte sa gitna ng kanyang kritisismo sa madugong war on drugs.
“I’m glad @AttyLeiladeLima is getting her long overdue, much-deserved vindication,” sabi ni Gutierrez.
“Umaasa ako na parating na ang araw na mananagot sila dito,” dagdag pa nito.