Shabu Ang Corrections Technical Officer na nahuli na may dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakalagay sa loob ng isang pouch ng pandesal.

Guwardiya sa BuCor buking sa pan de sal na may ‘palamang’ shabu

248 Views

Shabu1Shabu2INIUTOS ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. nitong Miyerkules ang preventive suspension ng isang babaeng Corrections Technical Officer (CTO) matapos mahuling may dalang hinihinalang ilegal na droga.

Kinilala ni Catapang ang opisyal bilang CTO1 na nahuli na may dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakalagay sa loob ng isang pouch ng pandesal.

Nahuli siya ni CO1 Benito Pancho sa routine inspection sa New Bilibid Prison Gate 1, Maximum Security Compound bandang alas-7:30 ng umaga.

Sa isinagawang follow-up operation na pinangunahan ni Maj. Henry Avila, camp commander ng NBP-Maximum Security Camp, nakumpiska ang 33 pang plastic sachet ng hinihinalang shabu mula sa isang person deprived of liberty (PDL) sa Dorm 5A. Diumano’y madalas bumisita ang nasabing PDL sa nasabing CTO1 sa ospital.

Inutos din ni Catapang ang agarang pagsasampa ng pormal na kaso laban sa CTO1, habang si Pancho ay binigyan ng spot promotion sa susunod na ranggo. Ang pormal na pagkilala sa kanyang mahusay na trabaho ay gaganapin sa flag-raising ceremony sa Lunes.

“These are the challenges that we have to face. We are not only guarding persons deprived of liberty but we also have to be vigilant against our own people. Mabuti na lang mangilan-ngilan lang ‘yang mga matitigas ang ulo na ayaw pang magbago but their days are numbered,” ani Catapang.

Ayon kay Catapang, ang insidenteng ito ay halimbawa na nagpapakita sa mga tauhan na gagantimpalaan ang mga gumagawa ng tama, ngunit mahuhuli ang mga nagpapatuloy sa maling gawain.

Muling nanawagan si Catapang sa lahat ng Corrections Officers na nagbabantay sa mga entry point ng BuCor na maging mas alerto at mahigpit na sumunod sa mga protocol.