Calendar
Hakbang ng Kamara vs agri smugglers, hoarders suportado
SUPORTADO ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano ang ikakasang kampanya at hakbang ng Kamara de Representantes laban sa mga agricultural smugglers at hoarders alinsunod sa ibinigay na pahayag ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez.
Sinabi ni Congressman Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na ikinagagalak nito ang naging pahayag ni Speaker Romualdez na tutulong ang Kongreso sa kampanya laban sa mga smugglers ng mga produktong agrikultura kabilang na dito ang mga hoarders.
Dahil dito, binigyang diin ni Valeriano na naa-angkop at sakto ang timing ng gagawing pagkilos at kampanya ng Kamara de Representantes laban sa talamak na smuggling ng mga agricultural products at hoarding na labis na nagpapahirap sa mga mamimili kabilang na ang mga magsasaka.
Ayon kay Valeriano, ipinapakita lamang nito na seryoso ang Kongreso laban sa grupo o sindikato ng agricultural smuggling para maipakita na rin mismo sa mga mamamayan na hindi magpapatumpik-tumpik ang Mababang Kapulungan wakasan ang nasabing modus-operandi.
Ipinaliwanag pa ng kongresista na mismong si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na ang nagsabi sa pamamagitan ng kaniyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) na “bilang na ang araw” ng mga agricultural smugglers na isang senyales na dapat aksiyunan ng mga mambabatas.
Idinagdag pa ni Valeriano na ang naging mensahe ng Pangulong Marcos, Jr. sa kaniyang SONA ay isang hamon para sa kanilang mga kongresista para makatulong sa Punong Ehekutibo na mawakasan o mapuksa ang talamak na smuggling at hoarding ng mga produktong agrikultura.
Nauna rito, sinabi ni Speaker Romualdez, kasunod ng pahayag ng Pangulong Marcos, Jr. sa kanyang ikalawang SONA na ang banta ng Presidente laban sa mga agricultural smugglers at hoarders ay isang patunay na gusto na niya talagang tapusin ang nasabing problema na malaki ang epekto sa sektor ng agrikultura partikular na sa presyuhan ng mga produktong agrikultura.
Dati ng ipinahayag din ni Romualdez na handa ang Kongreso na tulungan ang Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa pagkakaroon ng mas malalimang imbestigasyon patungkol sa smuggling at hoarding ng mga produktong-agrikultural sa ating bansa.