Romero1

Halaga ng bgy para TB puksain idiniin

Mar Rodriguez Aug 30, 2023
157 Views

SINANG-AYUNAN ng Chairman ng Committee on Poverty Alleviation na si 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., ang panawagan ng kapwa nito kongresista na paigtingin ang pakikilahok ng iba’t-ibang mga barangay para tugunan ang problema ng Tuberculosis (TB).

Ipinaliwanag ni Romero na ang sakit na TB ay isa sa mga pangunahing sakit sa Pilipinas o nasa top 10 leading cause of death alinsunod sa naging pagtatala ng Department of Health (DOH).

Bunsod nito, binigyang diin ni Romero na kaya napaka-halaga ang involvement o pakikilahok ng mga barangay para tugunan ang problema ng TB sa mga komunidad. Kung saan, ang karaniwang tinatamaan ng nasabing karamdaman ay ang mga mahihirap na mamamayan.

Naniniwala si Romero na malaki ang maitutulong ng mga barangay para matugunan ang problema ng TB sa pamamagitan ng pagsasagawa nila ng public awareness at information dissemination sa kani-kanilang mga nasasakupan sa tulong ng kanilang mga Barangay Health Workers (BHW).

Ayon sa kongresista, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA). Ipinapakita dito na 15,689 mula sa 563,465 ang naitalang bilang ng mga Pilipinong namatay mula January hanggang November ng 2022 na ang sanhi ay respiratory tuberculosis o TB.

Ipinaliwanag din ni Romero na ipinabatid din ng Health Department sa pamamagitan ng Field Health Services Information System na 119,558 Pilipino ang tinamaan ng TB mula January hanggang December ng 2022.

Binigyang diin ng mambabatas na maituturing na mayroon aniyang stigma at isang malaking banta ang sakit na TB. Kaya hindi umano dapat magpatumpik-tumpik ang pamahalaan laban sa nasabing sakit.