seafarers Source: FB

Halaga ng PH seafarers sa paglago ng ekonomiya ibinida

42 Views

Habang umuuwi ang mga seafarers na Pinoy ngayong kapaskuhan, binigyang-diin ni Sen. Win Gatchalian ang kahalagahan ng Magna Carta for Filipino Seafarers sa pagbibigay ng mas malakas na proteksyon at mas ligtas na mga kondisyon sa trabaho para sa mga manggagawang pandagat.

“Hinding-hindi maitatanggi ang mahalagang papel ng mga Pilipinong seafarer sa paglago ng ating ekonomiya.

Sila ang lifeline ng ating maritime industry. Itinulak natin ang pagpapatibay ng batas na ito dahil ang gobyerno kailangang patuloy na mag-alaga, magbigay ng proteksyon at gumabay sa ating mga seafarer.

Kailangang magkaroon ng mga mekanismo na magtitiyak ng kanilang kaligtasan, kapakanan at patas na pagtrato saan man sila maglayag,” sabi ni Gatchalian.

Noong Oktubre 2024, umabot sa $602.35 milyon ang naipadalang remittances ng mga overseas Filipino seafarer.

Mula Enero hanggang Oktubre 2024, umabot sa $5.69 bilyon ang kabuuang remittances nila, mas mataas ng 14% kumpara sa $5.61 bilyon na naitala para sa parehong panahon noong 2023.

Nilagdaan ng Pangulo noong Setyembre 2024 ang Republic Act No. 12021, o An Act Providing for the Magna Carta of Filipino Seafarers, noong Setyembre 2024.

Ayon kay Gatchalian, na isa sa mga co-author ng batas, malaki ang magiging benepisyo nito para sa mga Pilipinong seafarer.

Dagdag pa niya, sa nalalapit na paglabas ng Implementing Rules and Regulations (IRR), ipinapakita ng batas na ito ang dedikasyon ng bansa sa pagpapatibay ng international maritime safety standards.

Tinututukan nito ang pagpapabuti ng pagsasanay at accreditation processes para sa mga Pilipinong seafarer.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na layon ng batas na tiyakin na ang mga Pilipinong seafarer magkakaroon ng karapatan sa isang ligtas at maayos na lugar ng trabaho na sumusunod sa mga pamantayan ng kaligtasan, patas na mga kondisyon at termino ng trabaho, disenteng kondisyon sa pagtatrabaho at pamumuhay sa barko at maayos na serbisyong medikal para sa parehong overseas at domestic seafarers.

Mula 2016 hanggang 2021, mahigit 400,000 Pilipinong seafarer ang naipadala ng Pilipinas sa iba’t-ibang bansa.