Malaya

Hamon ng PH sa China: Tapatan ng aksyon ang salita

Chona Yu Jan 22, 2024
147 Views

TAPATAN ng aksyon ang salita.

Hamon ito ng Pilipinas sa China na tuparin ang pangako na magiging mahinahon na ang sitwasyon sa West Philippine Sea matapos ang panibagong insidente ng harassment ng Chinese Coast Guard sa mga Filipinong mangingisda sa Bajo de Masinloc.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon Public Briefing, sinabi ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya, na sana naman ay tapatan ng China ng aksyon sa ground ang napag-usapang pagpapaigting ng maritime communication mechanism sa pinag-aagawang teritoryo.

Ayon kay Malaya, kapwa hindi naman interes ng dalawang bansa na tumaas ang tensyon ngayong 2024.

“Siguro ang pakiusap natin sa China ngayong 2024 at sila naman ang magsa-Chinese New Year, sana tapatan nila ng aksyon sa ground iyong ating napag-usapan between the Philippine government and the Chinese government of China. Tapat nila ito at sana moving forward ay ma-implement iyong pag-uusap. Kasi, it is not in the interest of the Philippines, nor with China na tumaas ang tensyon ngayong 2024,” pahayag ni Malaya.

Matatandaang kamakailan ay nagpulong ang Pilipinas at China sa 8th Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea na ginanap sa Shanghai.

Dito’y nagkasundo ang dalawang bansa na paigtingin pa ang komunikasyon at palakasin ang koordinasyon sa pagitan ng dalawang foreign ministries at kanya-kanyang coast guards para maiwasan ang tensyon.

“Well, iyon nga iyong ikinababahala natin, we were hoping na ngayong 2024 ay mas magiging tahimik ang West Philippine Sea. Ngunit dito sa huling kaganapan, kung saan nagkaroon na naman ng pagtataboy o harassment ang ating mga fisherman sa kamay ng Chinese Coast Guard ay ikinababahala natin ito and we condemn this latest provocative action on the part of the Chinese Coast Guard, laban sa ating mga mangingisda,” pahayag ni Malaya.