Calendar
Hanopol, Hagibis, Alemania Maka-UniTeam
DUMAGDAG sa hanay ng mga showbiz personality na sumusuporta sa tambalang BBM-Sara ang kilalang komedyanteng si Archie Alemania, ang ilang miyembro ng grupong Hagibis at maging ang batikang Filipino rock singer na si Mike Hanopol.
Dumarami ang mga artistang nagpapahayag ng kanilang pakikiisa kay presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at kay vice presidential candidate Mayor Inday Sara Duterte.
Pumunta si Alemania, ilang miyembro ng Hagibis at ang sikat na rocker na si Hanopol sa national headquarters ng UniTeam at nakipagpulong sa kampo ng dating senador upang magdeklara ng kanilang pagsuporta sa kandidatura ni Marcos.
Boluntaryong magpeperform ang mga kilalang celebrities sa mga isasagawang campaign rally ng UniTeam sa ibat-ibang panig ng bansa, nais ni Mike Hanopol na awitin ang ilan sa mga sikat niyang kanta sa mga programa ng BBM-Sara UniTeam.
Gusto naman ni Archie Alemania na maging host sa programa ng UniTeam, habang ang Hagibis ay ipapakita rin ang kanilang talento sa mga supporters ng BBM-Sara gayundin ang ilan pang artist na kasama nila.
“We’re here to support Bongbong Marcos for his candidacy, ang ilan sa amin dito ay matagal nang supporters ni BBM, tumulong na sa kanya nong siya ay tumatakbong senador at maging nu’ng kandidato siya pagka-bise presidente,” sinabi ng grupo.
“Gusto namin tumulong sa BBM-Sara UniTeam, sa ganoong paraan ay maipakita namin ang aming pagmamahal sa bayan dahil naniniwala kami na ang tambalang BBM-Sara ang makakapagtuloy sa magandang nasimulan ng dating president Marcos at sa magaling na pamumuno ni Presidente Duterte,” dagdag pa ng grupo.
Matatandaang ilang mga malalaking personalidad na rin sa industriya ng showbiz ang namataan sa mga campaign rally ng BBM-Sara UniTeam tulad na lamang ni Toni Gonzaga na siyang naging host sa proclamation rally ng UniTeam na ginanap kamakailan sa Philippine Arena.
Naghandog ng awitin si Gonzaga sa campaign rally ng UniTeam sa Lungsod ng Mandaluyong at Lalawigan ng Ilocos Norte kung saan kinanta niya ang ‘Roar’ na may lyrics na ‘I got the eye of the tiger, fighter’ habang itinuturo si Marcos.
Maging si ‘Queen Mother’ Karla Estrada ay isang BBM-Sara supporter din, nagpahayag din ng suporta si Aiko Melendez, Roderick Paulate, Dawn Zulueta, Lucy Torres, Randy Santiago, Wency Cornejo, Dulce at ilan pang malalaking artista.
Masugid ding supporters ng UniTeam ang mga sikat na direktor na si Paul Soriano na asawa ni Toni Gonzaga at si Darry Yap na kilala sa kanyang mga kakaibang content videos sa social media.
Habang naniniwala naman sila na maraming mga artista pa ang magpapahiwatig ng kanilang pakikiisa at magpapakita ng kanilang suporta sa tambalang Marcos at Duterte.