Hataman

Hataman nanawagan ng tulong para sa mga biktima ni ‘Paeng’

Mar Rodriguez Oct 31, 2022
203 Views
NANANAWAGAN ngayon ang isang Mindanao congressman sa mga ahensiya ng gobyerno, malalaking negosyante, pribado at pampublikong sektor na magpadala agad ng tulong sa mga naging biktima ng pananalasa ng bagyong Paeng partikular na sa mga lugar na sakop ng BARMM.
Kasabay nito, nagpa-abot narin ng pakikiramay at pakikidalamhati si House Minority Leader at  Basilan Cong. Mujiv Hataman sa mga pamilya na lubhang naapektuhan ng bagyong Paeng. Kabilang na ang ilang mamamayan sa mga lugar na sinalanta ng nasabing bagyo.
“Nananawagan tayo sa kinauukulang ahensya ng gobyerno, maging sa pribadong sektor, na magpadala ng agarang tulong para sa mga biktima ng bagyo, lalong-lalo na sa lugar ng BARMM kung saan mataas ang bilang ng mga nasawi,” ayon kay Hataman.
Hiniling din ni Hataman sa national government na hangga’t maaari ay i-augment aniya ang kapasidad ng LGUs at tumulong sa search and rescue operations para sa mga nananatiling unaccounted pa at nawawala nating kababayan.
“Pagkatapos ng ating pakikiramay at pagtulong sa mga biktima ng bagyo, hinihikayat ko ang lahat na pag-aralang mabuti kung bakit nangyari ang mga naganap nitong nakaraan, hindi upang magbunton ng sisi kundi maghanap ng mga paraan kung paano natin ito maiiwasan sa mga susunod na kalamidad,” dagdag pa ni Hataman.
Ipinahayag naman ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, ang kaniyang paghanga para sa mga magigiting na “rescue workers” na hindi inalintana ang peligro sa gitna ng pananalasa ng bagyong Paeng.
Binigyang diin ni Madrona na ipinamalas lamang ng mga rescue workers ang dedikasyon sa kanilang trabaho sapagkat isinaalang-alang nila ang kapakanan ng ating mga kababayan sa gitna ng panganib.
“Kahanga-hanga ang ipinakita nilang dedication sa kanilang trabaho. Dapat silang maging ehemplo sa ating mga kababayan na ang kapakanan ng mga nangangailangan ang dapat unahin at hindi ang ating pansariling interes,” sabi pa ni Madrona.