Pic1

Helmet, face mask alisin ‘pag papasok sa establisimyento sa QC

209 Views

Pic2Pic3Pic4PINAALALAHANAN ng Quezon City Police District (QCPD) ang publiko na ipinatutupad sa lungsod ang Quezon City Helmet Ordinance No. SP-2765, S-2018 na nagbabawal sa pagsusuot ng helmet at anumang pantakip sa mukha o ulo kapag papasok sa mga establisimyento.

Ayon kay BGen. Randy Glenn Silvio, direktor ng QCPD, kinakailangang tanggalin ng mga motorcycle rider at backrider ang kanilang helmet, face mask o anumang head covering bago pumasok ng malls, convenience store, bangko at iba pang pampublikong establisimyento.

Ang sinumang lalabag sa ordinansa ay bibigyan ng Ordinance Violation Receipt (OVR) at pagmumultahin ng P1,000.

Ang ikalawang paglabag ay may multang P3,000, sa ikatlong paglabag P5,000 na multa at maaari pang bawiin ang lisensya o makulong ng hanggang isang taon, depende sa desisyon ng korte.

Ipinaliwanag ni Silvio na bahagi ito ng kampanya ng pulisya laban sa kriminalidad upang maiwasan ang holdap, pagnanakaw at iba pang krimen na kadalasang ginagawa ng mga salarin na nagtatago ng kanilang pagkakakilanlan.