Calendar
Help kits ipinamigay ng CAAP
NAMIGAY ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng help kits na may kasamang bottled water sa lahat ng airports na pinamamahalaan nito.
Kabilang sa mga paliparan ang Zamboanga International Airport, Dipolog Airport, Pagadian Airport, Tacloban Airport, Catarman Airport, Puerto Princesa International Airport, Davao International Airport, Ozamiz Airport, Camiguin Airport, Virac Airport, Masbate Airport, Naga Airport at Bicol International Airport.
Naglalaman ang bawat kit ng bottled water, meryenda at iba pang mahahalagang gamit.
Ayon sa CAAP, naka-alerto ang mga airport security personnel upang mapanatili ang kaayusan at masiguro ang kaligtasan ng mga manlalakbay.
“Patuloy na mino-monitor at ipinapatupad ng CAAP ang mga hakbang sa kaligtasan sa buong panahon ng Kapaskuhan upang matiyak na ligtas at maayos ang biyahe ng lahat,” ayon kay CAAP Director General Raul Del Rosario.
Bahagi ang mga inisyatibong ito ng patuloy na pagsisikap ng CAAP na maghatid ng episyente, ligtas, at passenger-centered na serbisyo sa himpapawid alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Kalihim ng Transportasyon na si Giovanni Lopez.

