Herrera Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera

HERRERA: GL SA DRUGSTORES AARANGKADA NA

76 Views

PINAPURIHAN ni Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa pag-apruba nito sa kanyang panukala na tanggapin ang mga guarantee letter (GL) bilang pambayad ng mga mahihirap na kababayan sa pagbili ng kanilang gamot sa mga pribadong drugstores.

Sa pagdinig ng House committee on appropriations sa budget ng DSWD, kinumpirma ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na bilang tugon sa panawagan ng Bagong Henerasyon party-list solon, pumasok sa isang kasunduan ang ahensya sa iba-ibang pribadong drugstores sa bansa na nagbibigay-daan sa pagpayag sa pagtanggap sa mga GL bilang pambayad sa mga bibilhing gamot ng mga Pilipino.

Ilan sa mga lumagda sa naturang kasunduan ay ang Rose Pharmacy, South Star at The Generics Pharmacy.

Ayon pa sa kalihim, patuloy silang nakikipagusap sa pharmaceutical retail giant na Mercury Drug na mapabilang sa programang ito.

Ayon kay Herrera, malaking tulong ang partnerships na ito sa mahihirap na pasyente sapagkat nagagamit nila ang mga GL mula sa DSWD upang makabili ng prescription medicines.

Matatandaan na iginapang ni Herrera ang pag-apruba sa polisiyang ito upang aniya’y matugunan ang mga pangangailangang medikal ng indigent patients na walang kakayahang gumastos para sa pagbili ng kanilang gamot.

“Nagagalak tayo dahil nalaman nating gumawa ng napakalaking hakbang ang DSWD para maisakatuparan ang ating panukala,” ani Herrera.

“Malaking tulong at benepisyo talaga ito para sa mga kababayan nating indigent. Sila kasi ‘yung talagang hirap na hirap na maghanap ng perang pambili ng gamot. Ito pong adbokasiyang ito, matagal na panahon na nating itinutulak – noon pang tayo ay konsehal pa lang ng Quezon City. Kaya’t masayang-masaya ako na nagbunga rin sa wakas ang pinaghirapan nating isulong,” dagdag pa ng kongresista.

Kaugnay nito, lubos ding ipinagpasalamat ng mambabatas na sakop na rin ng mga GL ng DSWD ang therapy at iba pang medical interventions para sa mga batang may special needs.

Mababatid na may panukala rin si Herrera na makatanggap din ng nauukol na medical support ang vulnerable children na walang kakayahang pananalapi.

Binigyang diin pa ni Herrera ang kahalagahan ng malawakang pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa pagpapatupad ng programa ng DSWD upang maipaabot ito sa mga ospital at rehabilitation centers.

“Napakalaking bagay nito at napakahalagang maiparating sa lahat ng stakeholders, partikular ang mga nasa healthcare sector. Mas malakas na suporta ang maibibigay nila sa mga pasyente kung may sapat na impormasyon ang pagpapatupad ng programang ito,” saad pa ni Herrera.