LPA Source: PAGASA

High alert sa mga tanggapan ng gobyerno, inutos ni PBBM para sa bagyong Marce

Chona Yu Nov 6, 2024
61 Views

INATASAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lahat ng tanggapan ng gobyerno na manatiling naka-high alert para sa pagresponde sa bagyong Marce.

Pinatitiyak ni Pangulong Marcos na makaabot at maging maayos ang Sistema ng komunikasyon sa komunidad.

“Sa mga ahensya ng pamahalaan, you all know the drill. I am placing you all in high alert,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Ayon kay Pangulong Marcos, nakabatay ang pagkilos ng mamayan sa mga maagang warnings na ipaaabot ng mga kinauukulan.

“Knowledge saves lives,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Pinasisiguro ni Pangulong Marcos na lahat ng ilog, lawa, baybayin at anumang lagusan ng tubig ay nasa ilalim ng 24-hour na pagmamatyag.

“Sa mga dams na maapektuhan, ipinauubaya ko sa mga ekspertong kawani ng mga ito na sundin ang nararapat na hakbang batay sa existing protocols kung may nagbabadyang pag-apaw ng tubig,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Ikasa na rin ang lahat ng rescue equipment, sa lahat ng antas ng pamahalaan, sa lahat ng ahensya na maaaring mag-ambag ng mga kagamitan, lalo na mga sasakyan,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Pinatitiyak din ni Pangulong Marcos na ang mga relief goods ay forward deployed na sa mga ligtas na imbakan upang mabilis na maipamigay sa mga nasalanta.

Inatasan din ni Pangulong Marcos ang Department of Public Works and Highways at Department of Transportation nan aka-stand-by para sa road clearing operations.

“Gamitin nyo hindi lang ang inyong mga makinarya, mga truck, kasama rin dapat ang mga pribadong kumpanya na kalahok sa ating Build Better More infrastructure programs,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Ngayon pa lang pinapasalamatan na ni Pangulong Marcos ang lahat ng medical personnel, sa publiko man o pribadong mga pasilidad, na nakaantabay na maglapat ng lunas sa mga nangangailangan.

“Tandaan, ang bawat buhay ay mahalaga. Kaya dapat tayo ay laging handa, laging mag-iingat,” dagdag ng Pangulo.