Lab1

Higit 1,500 Las Pineros tumanggap ng libreng serbisyong pangkalusugan sa Lab for All ni FL Liza Marcos

Edd Reyes Jun 19, 2025
15 Views

labTAOS-PUSONG pinasalamatan nina Las Pin̈as City Mayor Imelda Aguilar at Vice Mayor April Aguilar si First Lady Louise Araneta-Marcos na personal na dinaluhan ang kanyang proyektong “Lab For All: Laboratoryo, Konsulta, at Gamot para sa Lahat” caravan na isinagawa sa Aguilar Sports Complex, Barangay Pilar.

Ang medical at social outreach na isinagawa sa lungsod ay nagbigay ng libreng mga serbisyong pangkalusugan sa mahigit 1,500 na residente sa pakikipagtulungan ng Department of Health (DOH), mga kasaping ahensiya ng gobyerno, at pribadong sektor.

Nagpasalamat din si Mayor Aguilar sa DOH at binanggit ang matibay na pakikiisa ng Las Pin̈as sa tuluy-tuloy na pagsusulong at paghahatid ng mga serbisyong pangkalusugan na mas malapit sa komunidad.

Inihayag naman ni Vice Mayor April Aguilar ang mensahe para sa pagkakaisa at pagmamalasakit kasabay ng pagpapaabot nito ng pasasalamat sa lahat ng volunteers at partner organizations na nagtulung-tulong upang serbisyuhan ang mga Las Pin̈ero sa buong araw.

Bukod sa Unang Ginang, dumalo rin sa kaganapan si DOH Secretary Teodoro Herbosa at Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na kapwa nagpahayag ng kanilang pagsuporta sa adhikain ng caravan na makapagbigay ng mabilis na serbisyo at programang pangkalusugan na nakasentro sa mamamayan.

Kabilang sa mga handog na serbisyo ay ang free medical consultations, blood sugar and cholesterol tests, reproductive health services, eye checkups, free eyeglasses, family planning assistance, at mga gamot o medicinal.

Nakatanggap din ang mga residente ng legal consultations mula sa Public Attorney’s Office, tulong mula sa Pag-IBIG at National Housing Authority, at suporta naman buhat sa Senate’s outreach team.