Bakuna Source: DA FB page

Hiling ng mga magbababoy sa DA: Bilisan pagbakuna vs ASF

116 Views

KINALAMPAG ng mga sektor ng magbababoy at mga stakeholders ang gobyerno partikular ang Department of Agriculture (DA) ukol sa pagbabakuna sa mga baboy sa bansa laban sa African Swine Flu (ASF) upang matiyak ang kinabukasan ng mga Filipino Pork Livelihood na nangangalaga sa food security.

Sa isang media forum sa Maynila, muling nakiusap ang mga hog raisers na bilisan ang pagbabakuna sa mga baboy dahil naisagawa naman na anila ang roll-out noong August 30.

Panawagan pa ng mga hog raisers , mas maraming alagang baboy ang maililigtas at hindi malulugi ang mga nagnenegosyo kabilang ang mga feed producers kung mabilis ang pagbabakuna lalo na sa mga backyard hog raisers.

Ayon kay Rico Geron, CEO ng SoroSoro Ibaba Development Cooperative kung magpapatuloy na magkakandamatay ang mga baboy at liliit ang suplay dahil sa ASF, hindi maiwasan na magtaas naman ang presyo nito sa darating na Kapaskuhan kung kelan mataas na ang demand.

Kasama ang mga miyembro ng National Federation of Hog Farmers Inc. at Pork Producers Federation of the Philippines, muling hinihimok ni Agap Partylist Rep. Nick Briones ang pamahalaan na magdeklara na ng national state of emergency kontra ASF.

Sinabi ni Briones na araw-araw ay may namamatay na baboy dahil sa mabagal na pagbabakuna.

Aniya, tinatayang nasa siyam na milyun ang bilang ng baboy sa bansa kung saan 40% dito ay mga national hog raisers habang 60% ang tinatawag na backyard hog raisers na lubos na nangangailangan ng bakuna.

Idinagdag pa ni Geron na handa silang tumulong sa pamahalaan upang mapabilis ang pagbabakuna sa mga apektadong hog raisers dahil mayroon silang kooperatiba at network sa Luzon tulad ng mga technician at beterinaryo.

“Kami ay nagboboluntaryo sa pamahalaan para pabilisin ang roll-out ng bakuna sapagkat mabilis nauubos kabuhayan at alaga ng ating mga kabahayan”, pahayag ni Geron.

Nang magroll-out noong August 30 sa Lobo,Batangas kung saan nagkaroon ng outbreak ng ASF, sinabi ni Briones na natutuwa ito dahil may bakuna sa mga baboy kaya naman nanawagan ito ngayon na sana magkaroon ng sistema at gumamit ng cooperative industry leaders upang mapabilis ang pagbabakuna.

Sa nasabing roll-out 10,000 doses ng bakuna kontra ASF ang itinurok pero natatagalan ang proseso nito dahil sa paghihintay ng resulta sa mga isinasagawang pag-aaral gayundin ang sinasabi ng Food and Drug Administration (FDA) na ‘gene-sequencing’ na ayon kay Briones ay hindi na dapat kailangan dahil kailangan ang kagyat na aksyon dahil marami na ang naapektuhan ang kabuhayan.

Aniya, ang pagdedeklara ng state of emergency ay magiging paraan para agad at mabilis ang roll-out ng bakuna sa mga mas nangangailan lalo na sa mga lalawigan na lubhang apektado ng sakit.