Lapid

Hiling ni Lapid: Tax break sa film, move industries

214 Views

KASABAY ng pinaka inaabangang Metro Manila Summer Film Festival, muling ipinahayag ni Senador Manuel “Lito” M. Lapid ang kanyang panawagan para sa karagdagang suporta ng gobyerno para sa lokal na industriya ng pelikula sa pamamagitan ng paghain ng panukalang batas na magbabawas sa mga buwis na binabayaran ng ating mga local film at entertainment industries.

Sa paghahain ng Senate Bill No. 2056, umaasa si Lapid na ang lokal na industriya ng pelikula at musika sa bansa ay mas magkakaroon ng tsansa na makabawi mula sa mga pagkalugi dulot ng pandemya, piracy at pagdami ng streaming media, sa pamamagitan ng probisyon ng kinakailangang income tax break at ang exemption ng mga exhibitors mula sa pagbabayad ng amusement tax.

“Upang mahikayat ang mas marami nating mga kababayan na bumalik sa mga sinehan at suportahan ang mga pelikulang Pilipino gaya na lamang po ng mga official entries sa Metro Manila Summer Film Festival na gaganapin mula April 8-18, kailangan nating bigyan ang industriya ng kinakailangang suporta sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga tax breaks na tutulong sa kanilang lumikha ng mahuhusay na sining na may competitive pricing na abot-kaya pa rin para sa ating mga kababayan,” sabi niya.

Binigyang-diin din ng actor na naging senador na sa ilalim ng kanyang panukala, ang mga lokal na gawang pelikula at pagtatanghal ng mga lokal na artista ay dapat ding available at abot-kamay sa mga Pilipino sa lahat ng antas ng pamumuhay, bilang isang paraan upang pangalagaan at protektahan ang ating mga sining at kultura.

“Ang pagbabalik po ng ating mga kababayan sa ating mga sinehan at teatro ay makapagbibigay ng tulong sa ating ekonomiya hindi lamang sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho sa mga nasa industriya, kundi sa mga karatig na economic activities sa paglikha ng mga pelikula at live performance kagaya ng mga restoran at mga shop na nagtitinda sa mga nanood ng mga pelikula at concert. Kasama pong benepisyo nito ay ang pagbibigay buhay sa ating sining ng mismo nating mga kababayan,” dagdag pa ni Lapid na kasama ni Coco Martin sa “Apag” na isa sa mga opisyal na entries sa 2023 Summer MMFF.

Ayon pa sa iminungkahing panukala ni Lapid, na kikilalanin bilang “Local Arts and Entertainment Industry Promotions Act”, sinumang lokal na producer ng pelikula na gumagamit ng hindi bababa sa walumpung porsyento (80%) ng badyet para sa talento at kawaning Filipino ay maaaring mag-claim ng kabuuang mga gastos na natamo sa pagpapatupad, produksyon, at pagpapalabas ng pelikula sa kondisyon na ang paghahabol para sa exemption ay dapat payagan bilang bawas mula sa kabuuang kita ng kumpanya para sa parehong taxable year at na ang kabuuang halaga ng tax exemption ay dapat isama sa kanilang kabuuang kita o mga kita at sasailalim sa wastong dokumentasyon at sa mga probisyon sa mga pinahihintulutang bawas.

“Umaasa ako na susuportahan rin ng aking mga kasamahan sa Senado ang pagpasa ng panukalang ito upang mas maiangat pa natin ang kaledad ng ating local film and music industries. Inaanyayahan ko rin po ang lahat na suportahan ang unang Metro Manila Summer Film Festival. Ang inyo pong lingkod ay parte ng #APAG sa direksyon po ito ng napakagaling na si Direk Brillante Mendoza,” sabi niya.