Marianito Augustin

Hiling ni Vargas kay PBBM: Umento sa sahod para sa gov’t professionals

210 Views

NANAWAGAN si House Assistant Majority Leader at Quezon City 5th Dist. Cong. Patrick Michael “PM” D. Vargas kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. upang magkaroon ng umento sa sahod para sa mga government professionals bilang regalo ngayong Kapaskuhan.

Sinabi ni Vargas na maituturing na isang napaka-gandang regalo ngayong panahon ng Kapaskuhan para sa mga government professionals tulad ng mga teachers at health services practitioners ang salary increase. Hindi lamang aniya ngayong Pasko kundi sa mga susunod pang taon.

Ipinaliwanag ni Vargas na ang mga public servants tulad ng mga public school teachers ang nagsisilbing haligi ng pamahalaan sa paglilingkod kaya nararapat lamang aniya na mabigyan ng pagkilala ang kanilang malaking sakripisyo at wagas na paglilingkod sa pamamagitan ng mga insentibo.

Ayon sa kongresista, hindi matatawaran ang paglilingkod na iniuukol ng mga public servants. Sapagkat isina-sakripisyo umano nila kahit ang kalahati ng kanilang buhay para lamang pagsilbihan ang mamamayan kaya nararapat lamang na masuklian ang kanilang pagse-serbisyo.

“Our public servants serve as the backbone of the state’s services for the people and deserve all the recognition for their invaluable contributions. They spend a big chunk of their lives in serving other people. The least we could do to give back to them with increase in their salaries to foster a more efficient and motivated workforce,” sabi ni Vargas.

Ipinabatid pa ni Vargas na isa siya sa mga mambabatas na nagsulong ng panukalang batas sa Kamara de Representantes na naglalayong salary increase sa lahat ng government professionals kabilang na dito ang inihain nitong House Bill No. 1680 o ang Government Medical Doctors Salary Upgrading Act.

“The sooner these bills will move forward the sooner we can grant our professionals the gratitude for their dedication to service for the people all year round. More than providing them higher wages, it’s making sure they are paid competitively among fellow professionals internationally,” ayon pa kay Vargas.