Senate

Hiling ni VP Sara sa Senado: Sagutin gastusin sa eksklusibong catering sa impeachment trial

142 Views

HINILING ni Bise Presidente Sara Duterte sa Senado na sagutin ang gastusin sa pagkain, inumin at catering services para sa kanyang defense team, support staff at mga testigo, habang iginiit na ang lahat ng pagkain sa buong panahon ng kanyang impeachment trial ay ihanda at ihain lamang ng accredited caterer ng Office of the Vice President (OVP).

Sa liham na may petsang Hulyo 7, 2026 at nakatuon kay Senate President Sherwin Gatchalian, humiling si Duterte ng tatlong espesyal na kaayusan para sa buong tagal ng paglilitis.

Una, hiniling niyang ang lahat ng pagkain at inumin para sa defense team, support staff at mga testigo ay ihain lamang sa kanilang itinalagang holding room.

Ikalawa, hiniling niyang ang lahat ng pagkain ay “kunin, ihanda at ihain nang eksklusibo” ng accredited caterer ng OVP, dahil umano sa “lehitimong mga pangamba sa seguridad” at upang matiyak ang kaligtasan ng mga tauhan at mga testigo.

Sa kabila ng kahilingang gumamit ng eksklusibong catering service na pinili ng kanyang tanggapan, hiniling din ng Bise Presidente na sagutin ng Senado ang “makatwirang halaga ng gastusin sa pagkain, inumin at catering services” para sa kanyang defense team, support staff at mga testigo.

“Ang mga hinihiling na hakbang na ito ay kinakailangan upang mapangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng defense team, support staff at mga testigo, matiyak ang kanilang ganap at epektibong pakikilahok, at masuportahan ang maayos at tuluy-tuloy na pagdaraos ng mga paglilitis,” nakasaad sa liham ni Duterte.

Sinabi rin niya na nagtitiwala ang OVP na “makikilala ng Senado ang pangangailangan ng mga kaayusang ito at aaprubahan ang kanilang pagpapatupad sa buong panahon ng paglilitis.”

Gayunman, nagbubukas ang naturang kahilingan ng mga tanong kung nararapat bang sagutin ng mga nagbabayad ng buwis ang gastusin sa isang catering service na pinili ng isang panig sa impeachment proceedings, lalo na’t mayroon nang umiiral na mga administratibo at logistikal na kaayusan ang Senado para sa mga opisyal na gawain nito.

Ang liham ay may tatak na natanggap ng Office of the Senate President noong Hulyo 7, 2026.

Sa oras ng paglalathala, wala pang inilalabas na pahayag ang Senado kung inaprubahan o tinanggihan nito ang kahilingan ng Bise Presidente.