Calendar

Hiling sa Senado: Online gambling dapat itigil
ISINUSULONG ni Senadora Loren Legarda ang isang panukalang batas na naglalayong ganap na ipagbawal ang lahat ng uri ng online gambling sa bansa.
Kabilang din sa panukala ang pagbabawal sa anumang promosyon, advertisement, o publikasyon ng mga nilalamang may kaugnayan sa sugal sa internet.
Binigyang-diin ni Legarda na ang online gambling ay naging mas madaling ma-access ng publiko, kabilang ang mga menor de edad, mula nang lumipat ito mula sa mga pisikal na casino patungo sa mga online platform.
“Anybody with access to the internet could easily log on to online betting platforms, and has blurred the lines between regulation and unregulated gaming,” aniya sa isang pahayag.
Sa ilalim ng panukalang batas, ipagbabawal ang mga aktibidad tulad ng online casinos, e-sabong, digital lotteries, virtual slot machines, at sports betting. Layon nitong pigilan ang pagkalat ng sugal sa digital na espasyo na aniya’y walang sapat na kontrol.
“There have been no checks and balances, allowing minors and others to bypass age restrictions, exposing them to not only financial but psychological and socioeconomic risks as well,” dagdag ni Legarda.
Upang mapatupad ang mga probisyon ng panukala, bibigyan ng kapangyarihan ang Department of Justice (DOJ), Department of Information and Communications Technology (DICT), at National Telecommunications Commission (NTC) na maglabas ng mga kautusang magpapatigil o magba-block sa mga website na lumalabag.
Inaatasan din ang mga internet service provider (ISP) na ipatupad ang kautusan sa loob ng 48 oras. Ang mga lalabag ay maaaring patawan ng multa o mawalan ng lisensya upang mag-operate.
Batay sa panukala, ang mga indibidwal na lalabag ay maaaring pagmultahin ng ₱300,000 hanggang ₱500,000 o makulong ng anim na buwan hanggang isang taon. Samantala, ang mga kumpanya ay maaaring pagmultahin ng hanggang ₱1,000,000, at ang mga opisyal nito ay maaaring maharap sa pagkakakulong ng hanggang tatlong taon.
Nagbabala rin si Legarda sa mas malalim na epekto ng pagsusugal sa mga tahanan at komunidad.
“Uncontrolled gambling by many has caused irreparable damage to their families, leading to domestic violence, gambling-linked crimes, and perhaps even murder and suicide,” ani Legarda.