Teofimar Renacimiiento

Hindi dapat manungkulan ang tulad ni Robredo

376 Views

HINDI kasalanan ang maging palpak. Likas sa tao ang magkamali paminsan-minsan. Dapat unawain at kaawaan pa nga ang mga taong palpak.

Ibang usapan naman kapag ang isang palpak ay nag-aambisyong maging pangulo ng Pilipinas. Matinding kasalanan ito sa taong-bayan sapagkat malaking perwisyo ang mangyayari sa bansa at sa kinabukasan ng bayan.

Nakita na natin ang dalawang pangulong palpak ang pagpapangasiwa sa bansa kay Cory Aquino at sa kanyang anak, Noynoy Aquino.

Sa pangasiwaan ni Cory, nagkaroon ng maraming pang-araw-araw na brownout sa buong Pilipinas dahil linansag niya ang Department of Energy na binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos. Matinding kapalpakan ang ginawa ni Aquino.

Pinakawalan din ni Cory Aquino sa bilangguan si Jose Ma. Sison, ang komunistang nagtatag ng Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA) at National Democratic Front (NDF). Dahil sa kapalpakang ginawa ni Aquino, nagpapalaganap pa rin ng karahasan sa Pilipinas ang CPP-NPA-NDF ni Sison.

Sa pagpabayang ginawa ni Pangulong Noynoy Aquino, naagaw ng Tsina sa Pilipinas ang karamihan sa mga munting isla sa West Philippine Sea. Naniwala kasi si Noynoy sa mga payo ni dating Senador Antonio Trillanes IV, na mukhang may mga kinausap sa Tsina, ayon kay dating Senador Juan Ponce Enrile.

Eto ngayon si Leni Robredo, nag-aambisyong maging susunod na pangulo ng Pilipinas sa halalan ngayong Mayo 2022. Ang problema, palpak etong si Robredo.

Walang nalalaman si Robredo sa pangangasiwa sa pamahalaan.

Tatlong taon siya naging kongresista mula 2013 hanggang 2016. Sa loob ng tatlong taong iyon, walang mahalagang batas na naitaguyod si Robredo.

Naging bise presidente si Robredo nung 2016. Sa loob ng halos anim na taon siyang nakaupo bilang bise presidente, walang kabutihang ginawa si Robredo.

Namigay nga ng tulong si Robredo sa ilang mga mamamayang Pilipino tuwing may pinsala tulad ng bagyo, baha, lindol, pagsabog ng bulkan, at pandemya, ngunit balatkayo ang kanyang “pagtulong.” Matapos siyang makunan ng mga larawan para sa pahayagan at ng video para sa telebisyon, nawawala na lang tulad ng bula si Robredo.

Sa totoo lang, ang mga palatuntunang pagtulong kuno ni Robredo ay tungkulin at gawain na ng Department of Social Welfare and Development. Pampabongga lang talaga ang ginagawa ni Robredo bilang bise presidente.

Binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Robredo ng pagkakataong maging bahagi ng kanyang pangasiwaan. Tinanggap nga ni Robredo ang alok ng pangulo, ngunit ginamit ni Robredo ang kanyang bagong kapangyarihan sa pamahalaan para sa isang layunin lamang — ang siraan si Duterte sa mga pahayagan at telebisyon, pati na rin sa mga ibang bansa. Tapos, may mukha pa siyang upang sabihin na inaapi siya ng pamahalaan ni Duterte! Grabe talaga!

Wala ring alam sa batas si Robredo. Para sa kanya, sapat na ang magbintang ng kahit anong kasalanan laban sa kahit na sino, lalo na laban kay Pangulong Duterte at kay dating Senador Bongbong Marcos, kahit walang patotoo o ebidensiya si Robredo.

Mahilig rin si Robredo magkomentaryo sa mga ginagawa ng Malacañang at ng Kongreso kahit wala naman siyang talagang nauunawaan sa saligang batas.

Kahit siya ay abogado, palpak mag-isip si Robredo. Kaya pala pumasa lang siya sa Bar exam nung pangalawang beses siya kumuhuha ng nasabing pagsusulit. Wala pang pangulo ng Pilipinas na “take two” sa Bar exam. Huwag naman sana mag-umpisa ang malas kay Robredo.

Hirap din magsalita si Robredo ng matuwid na Ingles o Pilipino. Tuwing nagsasalita si Robredo sa telebisyon, halatang-halata ang kanyang kakulangan sa larangan ng pagsasalita ng tuwid.

Mahilig si Robredo gumamit ng mga pangungusap na “Tag-lish” o ang paghalo ng Tagalog at Ingles. Anong uring abogado ito? Hindi marunong magsalita ng tuwid! Nakakahiya!

Ang baluktot na pagsasalita ni Robredo ay hindi naaangkop sa pangulo ng Pilipinas. Pagtatawanan lang ang mga Pilipino kapag narinig ng mga pinuno ng ibang bansa magsalita si Robredo.

Hindi lang iyon. Anong klaseng halimbawa sa kabataang Pilipino ang pangulong palpak magsalita?

Mag-ingat dapat ang mga mamamayang Pilipino kay Robredo. Dahil hinahangaan ni Robredo si Cory Aquino, tiyak na isa na namang palpak na pangulo si Robredo sakaling mahalal siya bilang pangulo sa Mayo 2022.

Tungkulin ng bawat mamamayang Pilipino na huwag tangkilikin ang kandidatura ni Robredo. Huwag natin iboto si Robredo.