Bro. Marianito Agustin

Hindi ekslosibo para sa iilan tao ang pagiging taga-sunod ni Kristo (Marcos: 9:38-38)

110 Views

“At sinabi ni Jesus: ” Huwag ninyo siyang pigilan. Wala ngang gumagawa ng himala sa bisa ng aking pangalan na agad na magsasalita laban sa akin”. Kakampi sa atin ang di laban sa atin. (Marcos: 9:39-40)

SA kasalukuyang modernong panahon, hindi talaga mawawala at maaalis ang grupo-grupo o pangkat-pangkat. Ang masama pa nga nito, sa iba naman ay paksiyon-paksiyon pa. Kung hindi ka kasama sa kanilang paksiyon ay kalaban ka nila. Kaya dito nagsisimula ang girian at tunggalian sa pagitan ng magkalabang paksiyon.

Sa halip na isulong ang pagkakasundo-sundo o unity, ang nangyayari ay “disunity” o ang pagkakawatak-watak. Gaya nating mga Pilipino. Mayroong mga anti at mayroon din mga pro. Anti-government at Pro-government. Sa tingin niyo pa uunlad ang isang bansa kung mayroong mga paksiyon?

Ang anumang bagay na mayroong pagkakahati at pagkaka-pangkat pangkat ay malabong umunlad sapagkat wala duon ang pagkaka-isa, pagtutulungan at pagdadamayan.

Kailan ba nagbunga ng maganda ang pagkakanya-kanya? “Bahala ako sa buhay ko. Wala akong paki-alam sayo”.

Subalit iba ang itinuturo ng ating Panginoong Hesu-Kristo sa Mabuting Balita (Marcos: 9:38-48) sapagkat hindi niya ipinangaral sa Pagbasa ang pangkat-pangkat at grupo-grupo kundi ang pagkakaisa. Dahil hindi kailangang magkawatak-watak ang lahat ng mananampalataya, hindi kailangang magkaroon ng kompetisyon sa lahat ng mga nananalig sa Diyos. (Marcos 9:40 “Kakampi natin ang hindi laban sa atin”)

Matutunghayan natin sa Ebanghelyo na sinabi ni Juan kay Jesus na nakakita sila ng isang taong hindi naman nila kasama na nagpapalayas ng mga demonyo sa bisa ng kaniyang pangalan. Ngunit ito’y pinigil nila dahil hindi nila ito kasama. (Marcos: 9:38). Subalit sinabi naman ng ating Panginoon sa kanila na huwag niyo siyang pigilan na ang ibig sabihin ay wala siyang nakikitang mali duon sa ginagawa ng taong iyon.

Ang nais ipahiwatig dito ng ating Panginoong Hesu-Kristo ay hindi ekslosibo (exclusive) sa iilang tao ang paggawa ng kabutihan, pangangaral sa Salita ng Diyos at pagiging saksi sa kabutihan ng ating Panginoon. Sapagkat wala tayong mababasa sa Bibliya na ang pangangaral, paggawa ng kabutihan at pagiging saksi sa kabutihan ng Diyos ay para lamang sa mga Pari, Madre, relihiyoso, relihiyosa, mongha, Pastor at Ministro ng Simbahan. Katoliko man o Protestante.

Ang pagiging isang lingkod ng Panginoon at pagiging Saksi sa kaniyang Kadakilaan ay hindi na kailangan pa ng awtorisasyon, lisensiya o permiso. Sapagkat nang tawagin tayo ng Diyos mula sa kasalanang kinasasadlakan natin dati ay hindi naman siya nagbigay ng mga kondisyon. Kaya kakailanganin pa ba ang mga kondisyon para lamang ipahayag ang kabutihan ng Panginoon na sa kabila ng napakarami at napaka-bigat ng ating mga kasalanan ay nagawa parin niya tayong patawarin?

Sa Pagbasa, ang pakiramdam kasi ng mga Alagad ni Hesus ay ekslosibo lamang para sa kanila ang pangangaral na para bang sila lamang ang may karapatang magpahayag sa Salita ng Diyos habang ang ibang tao na gagawa nito ay maaaring ituring na “kolorum – hao-siao” o kaya naman ay illegal. Subalit kailan ba naging illegal at bawal ang pagbabahagi ng Mabuting Balita? Kailangan ba mayroong mga kondisyon bago mo ipahayag ang kabutihan ng Diyos?

Minsan, kaya itinuturing natin na iba sa atin ang ibang tao o hindi natin kakampi, kalaban at kakompetensiya ay dahil kinakain tayo ng inggit at selos. Ang pakiramdam natin ay nasasapawan tayo. Naiinggit tayo sapagkat nakikita natin na mas magaling ang taong ito kesa sa atin. Marahil ay ganito ang naramdaman ng mga Alagad.

Itinuturo din sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto (1 Corinto: 12-17) na ang lahat ng mga mananampalataya ng Panginoong Hesu-Kristo ay hindi kailangang magkawatak-watak at magkahati-hati gaya ng taong nagpapalayas ng demonyo sa ating Pagbasa. Hindi siya dapat ituring na iba o kalaban ng mga Alagad dahil pare-pareho lamang silang nananalig sa Diyos at taga-sunod ni Hesus.

“Tignan niyo iisa ang katawan at marami ang sangkap nito. At iisang katawan lang ang mga sangkap kahit na marami ang mga ito. Gayon din si Kristo. Sa iisang Espiritu, bininyagan tayong lahat – Judio man o Griyego, alipin man o malaya – upang buuin ng lahat ng iisang katawan. At sa iisang Espiritu tayong lahat umiinom”. (1 Cor. 12:12-13)

Kaya hindi maaaring sabihin ng ibang sektang pang-relihiyon na sila lamang ang maliligtas at tayo hindi. Sapagkat magkaka-iba man ang ating paniniwala subalit iisang “Hesu-Kristo” parin ang ating sinasampalatayahan. Iisang Diyos parin ang ating dinadakila at sinasamba: Ang Panginoong Diyos.

Nawa’y huwag din sana nila tayong ituring na iba sa kanila o kaya naman ay magmistula tayong “banta” sa kanila sapagkat kahit saan natin tignan ay nakapaloob parin tayo sa iisang katawan. Ang pagiging Kristiyano o mga nananalig sa ating Panginoong HesuKristo. Kailangan bang mag-away ang mga parte ng iisang katawan?

Ang Diyos ay para sa lahat ng nananalig sa kaniya dahil wala siyang itinatangi at pinipili. Kaya mali ang paniniwala ng mga Alagad na ang pananalig kay Hesus at pagsunod sa kaniyang kalooban ay ekslosibo para lamang sa kanila sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan sa ating kapwa.

Ano ba ang ibig aral na itunuturo ng ating Pagbasa? Hindi kailangang magkahati-hati, magkalaban-laban at magkaroon ng kompetisyon ang lahat ng mga nananalig at sumasampalataya sa ating Panginoong Hesu-Kristo dahil kailangan natin tandaan siya ang ulo at tayong ang katawan. Magkakaiba man ang ating mga paniniwala ngunit hindi parin natin mapapasubalian na iisang Diyos parin ang ating pinaniniwalaan: si Hesus. (1: Cor. 12: 14:17)

Walang dahilan para tayo’y magtalo-talo at magkaroon ng kompetisyon sa ating pananampalataya. Dahil hindi naman magiging “ticket” natin papasok sa Langit sa Kaharian ng ating Panginoon kung sino sa atin ang mahusay mangaral sa sa Bibliya kundi ang kabutihang nagawa natin sa ating kapwa tao. Kaya mayroon bang dahilan para ituring natin na iba ang iba pang mga mangangaral ni Hesus tulad ng ginawa ng mga Alagad?

MANALANGIN TAYO:

Panginoon, tulungan mo po ang aming bayan na magkaisa at huwag magkawatak-watak. Ganoon din ang lahat ng mga nananampalataya sa inyo. Nawa’y tulungan mo kami na magkaisa dahil iisa lamang ang aming sinasampalatayahan. Kundi ikaw na aming Panginoon.

AMEN