Director - Atty. Melvin

Hindi kailanman tumugon si Vice President Sara sa subpoena ng NBI – Matibag

Mar Rodriguez Jul 22, 2026
94 Views
HINDI kailanman tumalima si Vice President Sara Z. Duterte sa subpoena na ipinadala ng National Bureau of Investigation (NBI), ayon kay NBI Director – Atty. Melvin Matibag sa kanyang pagtestigo sa Senate Impeachment Court ngayong araw.

Sa ikalawang araw ng kanyang cross-examination ng abogado ng depensa na si Atty. Mark Vinluan, sinabi ni Matibag na ang lahat ng banta laban sa Pangulo at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan ay itinuturing na “banta sa pambansang seguridad at kaligtasan ng publiko.”

Ayon kay Matibag, batay sa mga rekord ng NBI na kanyang nabasa, nagsagawa na ang ahensya ng imbestigasyon sa umano’y banta laban sa Bise Presidente bago pa man siya italaga bilang direktor noong Pebrero.

Sinabi niyang nagpalabas ang NBI ng mga subpoena para sa Bise Presidente upang makatulong sa imbestigasyon, ngunit hindi ito tumugon.

“It was considered. In fact, personalities were subpoenaed, including the Vice President three times in order to aid the NBI in this investigation. However, to no avail, there was no attendance from the personalities invited,” ani Matibag.

Nang tanungin ni Vinluan kung nagpalabas ba ang NBI ng panibagong subpoena laban sa Bise Presidente sa ilalim ng kanyang pamumuno, sumagot si Matibag ng “hindi”.

“We never subpoenaed because we notice that every time proper subpoenas were issued to the Vice President, she would never attend,” aniya.

Nang tanungin kung ang kanyang naging sagot ay batay sa hindi pagtugon ng Bise Presidente sa mga naunang subpoena bago pa siya maupo bilang direktor, sinabi ni Matibag na nakita rin niya ang kawalan ng kooperasyon ni Duterte sa iba pang mga opisyal na pagdinig, kabilang ang impeachment hearings sa Kamara de Representantes.

“Not only that, in a lot of proceedings, including the impeachment proceedings in the House of Representatives, I notice that she never attended,” dagdag pa ni Director Matibag.

Hindi rin umano dumalo si Vice President Duterte sa mga pagdinig ng House of Representatives kaugnay ng impeachment complaint laban sa kanya.

Iginiit naman ng Bise Presidente noon na sasagutin niya ang mga reklamong impeachment laban sa kanya sa “tamang forum,” na aniya ay ang Senate Impeachment Court.

Gayunman, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin siya dumadalo sa kanyang impeachment trial, kahit na nakita siya sa loob ng Senado noong Hulyo 7, isang araw matapos magsimula ang paglilitis ng Senate Impeachment Court.

To God be the Glory