Calendar
Hindi magandang kalidad ng hangin sa Maynila, mapanganib sa kalusugan
INABISUHAN ng Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ang publiko na magsuot ng face mask kapag lalabas ng bahay bunga ng naitalang hindi magandang kalidad ng hangin na lubhang nakakasama sa kalusugan.
Batay sa abiso ng tanggapan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, tatlong air quality sensors ang nakapagtala ng antas ng hangin na “very unhealthy”, kabilang ang kanto ng Tayuman at Juan Luna sa Tondo, Anda Circle sa Port Area, at San Sebastian Residences sa Quiapo.
Nakapagtala naman ng hindi magandang kalidad ng hangin para sa mga sensitibong grupo, gaya ng mga bata, matatanda, at may mga hika, ang mga lugar sa Sta Ana Hospital at Rajah Sulayman Park sa Malate na makakapagdulot sa kanila ng masamang epekto sa kanilang kalusugan.
Sa pagtaya naman ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD) maiuugnay ang hindi magandang kalidad ng hangin sa Metro Manila sa nagaganap na malaking sunog sa kagubatan sa Kalimantan, Indonesia
Inabisuhan ng lokal na pamahalaan ang lahat na manatiling alerto at subaybayan ang mga susunod na babala sa kalidad ng hangin sa lungsod at sakaling may mangyayaring kagipitan, tumawag lamang sa hotline ng CDRRMD na 0950 700 3710.

