Calendar
Hindi mahanap si Quiboloy, Davao Police kinondena ni Rep. Castro
KINONDENA ni House Deputy Minority leader at ACT Partylist Rep. France Castro ang Davao Police dahil hindi umano nito mahanap ang self-appointed son of God na si Pastro Apollo Quiboloy.
Sinabi ni Castro na kung nagagawang hanapin ng mga pulis ang mga aktibista ay nakapagtataka na hindi umano nito mahanap si Quiboloy na nahaharap sa patung-patong na kaso.
Kamakailan ay naglabas ng arrest warrant ang Senado at Kamara de Representantes laban kay Quiboloy matapos itong hindi sumipot sa mga pagdinig kahit pa naglabas na ng subpoena ang dalawang kapulungan.
Ayon kay Police Major Catherine Dela Rey, spokesperson ng Police Regional Office-Davao, wala silang impormasyon kung si Quiboloy ay nasa Davao pa.
Matatandaan na naglabas ng audio message si Quiboloy kung saan inamin nito na siya ay nagtatago dahil nanganganib umano ang kanyang buhay.
Iniimbestigahan ng Senado si Quiboloy kaugnay ng mga alegasyon ng human trafficking at sexual abuse na nangyayari umano sa itinayo nitong Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Sa Kamara, ipinatawag si Quiboloy kaugnay ng imbestigasyon dahil sa umano’y mga paglabag ng Sonshine Media Network International (SMNI) sa termino ng prangkisa nito.
Sa SMNI ipinalalabas ang programa ni Quiboloy.
Si Quiboloy ay isa sa most wanted person sa Estados Unidos at nahaharap sa patung-patong na kaso gaya ng labor trafficking scheme kung saan dinadala umano roon ang mga miyembro ng kanilang simbahan upang mangalap ng donasyon para sa bogus na charity.
Ang Pastor ay nahaharap din sa kasong sex trafficking by force, sex trafficking of children; fraud at coercion; conspiracy; at bulk cash smuggling.