bro marianito

Hindi maramot, hindi kunsintidor ang Diyos

639 Views

Hindi maramot ang Panginoon subalit lagi niyang isinasa-alang alang ang mga bagay na makabubuti para sa atin (Mateo 7:7-12)

“Humingi kayo at kayo’y bibigyan. Humanap kayo at kayo’y makakatagpo, kumatok kayo at kayo’y pagbubuksan”. (Mateo 7:7)

MATAPOS kong mabasa ang Talatang ito bigla kong naalala ang isa kong kaibigan na nuong araw ay mayroon siyang nililigawan na magandang dalaga na masasabi kong “Head over heels” siya.

Ang kahulugan ng “Head over heels” ay yung taong sobrang in-love sa isang babae. Maaaring mayroon magandang katangian sa babaeng ito, kaya ganun na lamang ang nararamdaman ng aking kaibigan para sa babaeng kaniyang nililiyag.

Masugid na manliligaw ni Yannah ang aking kaibigan. Lahat ng paraan ay ginagawa niya para lamang makuha ng kaibigan ko ang matamis na “OO” ni Yannah. Nariyan na yung mataimtim siya nananalangin sa Diyos para ipagkaloob ang kaniyang hiningi.

Subalit sa dulo ng napakahabang paglalakbay ng panliligaw ng aking kaibigan hindi tumalab sa kanilang kuwento ang kasabihan na, “Sa hinaba-haba man ng prusisyon ay sa Simbahan din ang tuloy”.

Ang “Ending” ng kanilang “Love Story: hindi siya sinagot ni Yannah, hindi niya naging kasintahan ang babaeng matagal na niyang nililiyag.

Matutunghayan natin sa Mabuting Balita (Mateo 7:-7-12) na napakalinaw na winika ni Hesus na “Humingi kayo at kayo’y bibigyan”. Kung gayon, bakit kaya hindi ipinagkaloob ng Panginoong Diyos ang hinihingi ng aking kaibigan? Masama ba ang umibig?
Humiling ang aking kaibigan. Ngunit hindi ipinagkaloob ng Diyos, siya’y kumatok, subalit hindi siya pinagbuksan at nahanap niya ang babaeng gusto niya. Pero hindi pa rin niya natagpuan.

Kapag tayo ay nananalangin para humiling sa Diyos tandaan lamang natin na ang “priority” ng ating Panginoon ay ang mga bagay na pawang makabubuti para sa atin. Hindi niya kailanman ipagkakaloob ang mga bagay na makakasama para sa atin.

Kahit ito’y gustong gusto natin kung ito naman ay makakasama, hindi pa rin niya ito ipagkakaloob. Sapagkat ang laging pinahahalagahan ng Diyos ay ang ating kapakanan at ang ating kabutihan.

Walang magulang na katulad ng ating Panginoong Diyos na magkakaloob ng mga bagay na ikasisira at ikasasama ng kaniyang anak. Siya ay isang mabuting Ama, kaya walang Ama ang magbibigay ng isang bagay na ikapapahamak ng kaniyang anak.

Mayroong tatlong “factor” o kadahilanan ang kailangan natin isa-alang alang upang maunawaan natin ang kalooban ng Panginoong Diyos patungkol sa mga bagay na ating hinihiling sa kaniya.

(1) Ang ating hinihingi ba sa Diyos ay makabubuti para sa atin? Hindi ba nito sisirain ang ating moral values?

Sa kuwento ng aking kaibigan, hindi ipinagkaloob ng Panginoon ang kaniyang hinihingi. Kahit mataimtim pa ang kaniyang pananalangin.

Sapagkat ang babaeng kaniyang nililiyag ay bulagsak sa pera, iresponsable, gimikera, lakwatsera, materyosa at kung ano-ano pang hindi magandang ugali. Kung pinagkaloob kaya ng Diyos ang hinihingi ng aking kaibigan, saan kaya pupulutin ang kaibigan ko?

Lagi nating tatandaan na magtiwala lamang tayo sa Panginoon. Sapagkat tanging kabutihan lamang ang kaniyang iniisip para sa atin, kaya huwag sanang sasama ang loob natin kapag hindi ipinagkaloob ng Diyos ang hinihingi natin sa kaniya.

(2) Ang ating hinihingi ba sa Diyos ay makabubuti para sa ating Kapuwa? Hindi ba nito sisirain ang ating relasyon sa ating pamilya, mga kaibigan at sa mga taong malapit sa atin?

(3) Ang hinihingi ba natin sa Diyos ay hindi makasisira sa ating relasyon at ugnayan sa kaniya? Makabubuti ba ito para mas lalong yumabong ang aking “spiritual life” at “spiritual obligation” sa Diyos?

Hindi maramot ang Panginoong Diyos, subalit lalong hindi siya isang konsintidor na basta na lamang niya ipagkakaloob ang mga bagay na hinihingi natin. Kahit alam niyang ito ang magpapahamak sa atin.

Partikular na kung ang hinihingi natin ang magdadala sa atin sa dagat dagatang apoy. Hindi niya talaga hahayaan na mapahamak ang kaniyang mga anak, sapagkat sukdulan ang pag-ibig sa atin ng ating Panginoon.

AMEN
Inaanyayahan ko po kayo sa aking Radio Program na “ANG TINAPAY NG BUHAY” tuwing Sabado mula 8:00 hanggang 9:00 ng Umaga. Mapapakinggan sa 103.9 DWRB News FM Ang Himpilang Ikaw ang Una at mapapanood naman sa kanilang Facebook Page.

Inaanyayahan ko din po kayong tangkilikin ang “Life Changing Collections”. isang APPS na mayroong magagandang E-Books na naglalaman ng mga magagandang “religious reading materials” at iba pang babasahin.