Louis Biraogo

Hindi na mapigilan ang panalo ng BBM-Sara

441 Views

NOONG Marso 19, 2022, sa ginawang debate ng mga kumakandidatong pangulo at pangalawang pangulo sa darating na halalan, inamin ni Rizalito David, isang kandito sa pagka pangalawang pangulo, na wala ng makakatalo kay Bongbong Marcos (BBM), na kumakandidato bilang pangulo, at kay Sara Duterte, na kumakandidato bilang pangalawang pangulo.

Hinamon ni David ang lahat ng mga kandidato na lumahok sa gayong debate, maliban kay BBM at Sara na hindi pinaunlakan ang pagdalo sa gayong debate, na magka-isa at gumawa ng isang koalisyon upang sila’y magkaroon pa ng pag-asang magtagumpay sa darating na halalan. Ibig sabihin, i-uurong nilang lahat ang kanya-kanyang kandidatura at magkaisang pumili ng tag-iisang kandidato sa posisyon ng pangulo at pangalawang pangulo.

Ito ang naging kapasyahan ni David sa harap ng napakalaking lamang na nakukuha ni BBM sa lahat ng ginawang pananaliksik sa pulso ng bayan (voter preference survey) ng mga pangunahing dalubhasa sa ganitong pag-aaral. Sa kabila ng matindi at walang humpay na pagbabatikos laban kay BBM at Sara, hindi pa rin bumababa ang nakukuhang puntos ng dalawa sa ginagawang pananaliksik. Sa katunayan, tumataas pa nga ang puntos ni BBM at Sara sa huling mga pananliksik.

Masasabi nating si Robredo, na pumapangalawa sa mga ginawang pananaliksik sa pulso ng mamboboto, ay nangampanya na simula noong siya’y napaupo bilang Pangalawang Pangulo noong 2016. Kaya sa loob ng anim na taon, nabigyan na ng sapat na pagkakataon ang mga mamboboto na malaman at masaksihan ang mga katangian at kakayahan ni Robredo; at alam na nila ang lahat ng dahilan kung bakit siya’y ihalal bilang pangulo. Subalit, hindi pa rin niya mapaniwala ang kinakailangang bilang ng mga mamboboto upang siya’y magwagi sa halalan. Hanggang 15% – 20% lang ang nakukuha niyang puntos sa mga nagdaang mga pananaliksik.

Sa kabila ng napakalaking halaga na ginugugol ng kampo ni Leni Robredo at Kiko Pangilinan sa kanilang pangangampanya, kakaunti pa rin ang naaakit ng dalawa sa mga botante. Dahil dito, marami ang naniniwala na wala ng pag-asa ang koponang Leni-Kiko. Mas malubha naman ang kinalalagyan ng ibang koponan na lalong naghihikahos. Sabi nga ng iba, “Tapos na ang boksing!”

Ngunit, maaaring magbabago ang “daloy ng baraha kung babalasahin ulit ito”, ayon na nga sa mungkahi ni David. Sa binitawang pala-isipan ni David noong siya’y lumahok sa nabanggit na debate, ititiklop ng lahat ng kampo ang kanila-kanilang mga pambatong koponan at pumili na lamang ng iisang koponang pambato na pagtulong-tulongang itutulak ng lahat na nagkaisang kampo.

Ang hindi nakikita ni David ay ang katotohanan na hindi baraha ang binibilang, kung hindi, mga mamboboto na may kanya-kanyang pag-iisip. Hindi natin maituturing na parang mga tupa ang mga mamboboto na maaaring ipapastol kung saan-saan na lang maisipan.

Sa pagkakataon na tumiklop sinuman sa mga kumakandidato, maaaring pumunta ang boto ng mga taga-sunod nito, hindi man lahat, sa koponan ng BBM at Sara. Kung ganyan ang mangyayari, baka lalong lumakas pa nga ang tambalang BBM at Sara. Kaya di rin tumpak ang naiisip ni David.

Ang kailangan pag-isipan ng maayos ni David ay ang paraan ng pagpili ng pagkakaisahang pambato at sinu-sino ang magiging “dakilang baliw” sa itatayong koalisyon. Tandaan natin na hindi maganda ang kinahihinatnan ng mga nagdaang nagsakripisyo at naghandog ng kanilang minimithing pangarap na maging pangulo. Hindi ba natin naaalala ang yumaong Salvador H. Laurel (Doy) kung kailan ay nagbigay-daan sa kandidatura sa pagka-pangulo ng yumaong Corazon C. Aquino (Cory), at ng naluklok na ang huli, ay basta na lang tinalikuran si Doy at ang kasunduan nilang dalawa ni Cory?

Huwag din nating kalimutan si dating Senador Mar Roxas na pagkatapos nagbigay-daan kay yumaong dating Pangulo Noynoy Aquino sa kandidatura nito sa pagka-pangulo noong 2010, ay tuluyang nawala na ang kinang ng kanyang pamumulitika pagkatapos ng kanyang dakilang pagbibigay-daan.

Sinu-sino ang susunod na magiging Doy Laurel at Mar Roxas? Malabong mayroong iisa na gustong tumahak sa yapak ng dalawa. Kaya, Ginoong David, huwag mo ng pag-aksayahan ng panahon ang naisiip mong koalisyon!

Walang magiging koalisyon na lalaban sa koponang BBM at Sara sa darating na halalan. Kung meron man, tiyak matatalo pa rin ito.