bro marianito

Hindi nangako ang Diyos ng paraiso kapag sumunod tayo sakaniya. Ang ipinangako niya ay buhay na walang hanggan (Mateo 10:16-23)

460 Views

“Mga alagad ko, mag-ingat kayo sapagkat kayo’y darakpin at isasakdal sa mga Sanedrin. Hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga at dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa pagsunod ninyo sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil”. (Mateo 10:17-18)

HINDI madali ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, hindi ibig sabihin na porke’t nagsisilbi tayo sa Panginoon sa pamamagitan ng pagiging isang Lay Minister, Lector-Commentator, Ministro, at Pastor sa ating mga Simbahan ay ligtas at libre na tayo sa mga pang-uusig at mabibigat na problema na maaaring dumating sa ating buhay.

Sapagkat hindi naman ipinangako ng Panginoong Diyos na kapag tayo’y sumunod, nanampalataya at nagsilbi sa kaniya ay hindi na tayo makakaranas ng mga pagsubok sa buhay.

Hindi nangako si Hesus ng Paraiso sa mga taong susunod sa kaniya o absuwelto na sila sa mga problema. Ang tanging ipinangako sa atin ng Diyos ay ang pagkakaroon natin ng “buhay na walang hanggan” o “eternal life” kapag tayo ay nanalig sa kaniya.

Mayroon nga akong kasamahang Lay Minister sa Santo Domingo na kung kailan pa siya nagbagong buhay at nagbalik loob sa Diyos ay duon pa siya mas nakakaranas ng mga mabibigat na problema. Nariyan na yung nagigipit siya sa pera, walang pamapa-aral sa kaniyang anak at pino- problema pa niya ang bungangera niyang asawa.

May ilan din naman na kung kailan pa sila nagsisilbi sa Diyos ay duon din sila nakakaranas ng mga mabibigat na pagsubok at minsan ay hindi mo aakalain na mangyayari sa kanila. Ang iba nalugi ang negosyo, may asawang lasenggo o may anak na pasaway at adik.

Marahil ay dapat natin maunawaan na ang mga problema ay sadyang dumarating sa ating buhay. Wala naman kasing taong ipinanganak na hindi nagkaroon ng problema. Kahit na ang Panginoong Hesus mismo ay nakaranas din ng matitinding problema. Kahit siya’y bugtong na Anak ng Diyos dumanas pa rin siya ng mga problema.

Ang lahat ng ito ay pinagdaanan ng ating Panginoon, ngunit mayroon ba tayong mababasa sa Bibliya na matapos harapin ni Hesus ang lahat ng mga problemang ito ay nagreklamo siya sa Diyos Ama?

Subalit mababasa natin sa Mabuting Balita (Mateo 10:16-23) na nagbabala si Hesus sa kaniyang mga Alagad kaugnay sa mga pang-uusig na darating habang ipinapangaral nila ang Salita ng Diyos.

Ipinaalala ng Panginoon sa kaniyang mga Disipulo na habang sila’y gumaganap sa kanilang misyon, mahaharap din sila sa iba’t-ibang klase ng problema.

Hindi lamang basta problema kundi maaaring magiging mitsa pa ng kanilang buhay. (Mateo 10:17-18)

Hindi naman hangarin ni Kristo na ipahamak ang kaniyang mga Disipulo sa pagsasabi niyang “isinusugo niya ang mga ito na parang mga tupa sa gitna ng mga asong gubat”. Ang nais lamang ipakahulugan dito ni Hesus ay hindi lahat ng mga taong makakaharap ng mga Disipulo ay mabuting tao kundi mas marami ang masasama.

Sa ating modernong panahon, katulad din ng mga Alagad. May mga nakakasalamuha din tayong mga tao na ang akala mo ay mabait, maamo at parang anghel.

Ngunit kapag hindi ka nakaharap ay duon ka pa nila sasaksakin ng patalikod o kung tawagin ay “backstabber”.

Maging sa aking personal na karanasan, katulad ng winika ni Hesus sa Ebanghelyo na kahit ang sarili mong pamilya ay makakagalit mo, makaka- away mo, kapopootan ka at hindi mo makakasundo dahil sa pagsunod natin sa Panginoon. (Mateo 10:21-22)

Itinuturo sa atin ng Pagbasa na sa pagsunod natin sa kalooban ng Panginoon, mahaharap tayo sa mga problema at pag-uusig mula sa mga tao at kadalasan pa nga na ang mga pag-uusig na ito ay mula pa mismo sa sarili nating pamilya.

Sila pa ang hindi nakakaunawa sa atin.

Gayunman, tinitiyak sa atin ni Hesus na sa harap ng mga problema at sa gitna ng mga pagkondina at pang-uusig sa atin ng mga tao maging ang sarili nating pamilya. Hindi tayo dapat mabahala sapagkat papatnubayan niya tayo at ipagtatanggol. (Mateo 10:19)

Sa mga pagtataong nangyayari ang mga bagay na ito sa ating buhay, isa lamang ang maaari nating gawin, maging matatag tayo sa ating pananampalataya at manalangin sa Diyos na tulungan tayo sa mga mabibigat na pagsubok na pinagdadaanan natin.

Ang payo ng isang eksperto, kapag dumarating ang mga pagsubok sa ating buhay ay tratuhin daw natin ito na parang isang bisita na dumadaan lang tapos aalis o mawawala. Huwag daw natin tratuhin ang problema na parang isang “boarder” dahil hindi na iyan aalis sa buhay natin.

Kapag ang isang problema ay trinato natin na parang isang “boarder” sa buhay natin, ang ibig sabihin lamang niyan ay mananatili iyan sa buhay natin ng mahabang panahon. Iyan ang lalong magpapahirap sa buhay natin magiging “stressful” ang ating buhay.

Manalangin Tayo: Panginoon, tulungan mo po kami sa mga problemang kinakaharap namin sa buhay. Nawa’y lagi mo kaming patnubayan sa lahat ng oras lalo na sa mga panhong nakakaharap kami sa pag-uusig ng aming kapwa.

AMEN