Lacson

Hindi puro pangako! Solusyon sa problema ng pabahay inilatag

363 Views

KONGKRETONG plano at hindi pangakong mapapako ang inilatag ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson para maresolba ang matagal nang problema sa pabahay ng maralitang mga pamilya sa bansa.

Aniya, hindi tulad ng ibang mga kandidato tuwing eleksyon na palaging nangangako ng pabahay, maayos na istatehiya katulad ng kanyang iniaalok ang dapat na gamitin upang makamit ang mithiin na magkaroon ng maaayos na tirahan ang mga pamilyang walang permanenteng tahanan.

“Madaling sabihin, ‘lahat kayo ‘pag nanalo ako, tiyak na may tahanan.’ Hindi po namin pwedeng gawin ‘yon. Cinompute (compute) po namin. Kapag isinakatuparan natin 5.3 million houses, P500 billion isang taon sa budget. Kakainin po ‘yung ating national budget,” ayon kay Lacson.

Paliwanag ng batikang senador at independent presidential candidate, isang solusyon dito ay ang pag-aalis sa ugat ng korapsyon at paggamit nang maayos sa buwis ng taumbayan para mapondohan ang mga proyektong pabahay ng pamahalaan.

Tinalakay ni Lacson ang praktikal na paraang ito, makaraang dumulog sa kanya ang isang residente sa Antipolo City, Rizal. Ayon sa huli, matagal na siyang nangungupahan at natatakot siyang mapaalis sa tinitirhan dahil hindi naman niya kayang bumili ng sariling bahay at lupa.

Sa ginanap na town hall meeting sa Ynares Center nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Lacson sa mga botante na mayroong tinatayang 5.3 milyong kakulangan sa housing unit sa buong bansa, at para maresolba ito ay malaking parte ng pambansang budget ang magagasta.

“Cinompute (compute) po namin. Ang paggawa para makabuo ng isang bahay, isang maliit na bahay 24 square meters ‘pag ito’y high-rise, P580,000 ang isa. Ito ‘yung building. Kapag detached naman, 24-square meters na nasa 40-square-meter lot, P750,000 ang isa,” ani Lacson.

Para maipatupad ito, iminungkahi ni Lacson ang pagbuo ng mga polisiya na magpapadagdag sa kita ng gobyerno na tutugon sa mga suliraning panlipunan at pang-ekonomiya. Kasama na rito ang pag-alis sa katiwalian dahil umaabot sa P700 bilyon ang pagkalugi ng gobyerno dahil dito kada taon.

Bukod dito, makatutulong din aniya ang kanyang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) program para sa pangmatagalang solusyon dahil mabibigyan ng kapangyarihan at sapat na pondo ang mga lokal na pamahalaan para tugunan ang pangangailangan ng kanilang nasasakupan.

Sa ilalim ng polisiyang ito ay magkakaroon ng hiwalay na pondo ang mga provincial government hanggang sa mga barangay upang sila na ang mag-implementa ng kanilang mga proyekto gaya ng pabahay, kuryente, turismo, kabuhayan bukod pa sa natatanggap nila mula sa national tax allotment.

Nangako naman si senatorial aspirant at dating Agriculture Secretary Emmanuel ‘Manny’ Piñol na susuportahan niya ang magiging administrasyon ni Lacson sa pamamagitan ng pagbuo ng matibay na batas para sa mga informal settler o sa mga indibidwal na nag-alaga ng lupain sa matagal na panahon ngunti hindi nabibigyan ng titulo.

“All over Metro Manila, pati sa Rizal, maraming mga informal settler na hanggang ngayon wala pang kasiguruhan ang kanilang pagmamay-ari ng lupa. Mr. President, kapag may awa ang Panginoon at ikaw ay naluklok bilang pangulo ng Pilipinas, ito po ang isa kong isusulong na programa para sa inyo,” sabi ni Piñol kay Lacson.

“Kasi ito po ‘yung isa sa mga sanhi ng ating mga social problem. Nakatayo ‘yung bahay ng pobre, pinaghirapan niya, ‘yung lupa hindi niya malaman kung mapapasakanya ba o hindi. We have to resolve this problem once and for all, Mr. President,” dagdag ni Piñol.