Calendar
Hindi pwedeng pakiusap lang
ISA sa mga naging epekto ng gera sa pagitan ng Russia at Ukraine ang pagtaas ng presyo ng langis, Linggo-linggo ang naging pagtaas at ngayon nga umaabot na sa lampas P80 kada litro ang presyo ng gasolina at diesel.
Lahat syempre tayo ay apektado at alam nating lahat ito. Hindi na rin bago sa atin ang mga oil price hikes dahil sa simula’t sapul ay nag-aangkat tayo nito. Sa madaling salita, malaki ang pangangailangan natin sa langis pero sa ibang bansa tayo umaasa para sa suplay nito.
Kaya naman sa tuwing tumataas ang presyo ng gasolina sa pandaigdigang merkado, wala tayong magawa dahil nakadepende tayo dito. At syempre mas pinalala pa ito ng Oil Deregulation Law na nagtanggal sa kontrol ng gobyerno para magtakda ng presyo ng langis sa merkado.
Sa matagal na panahon ay ito na rin ang naging problema kung saan talagang imbes na magkompetensiya ang mga kompanya ng langis ay nagsabwatan. Imbes na magpababaan ng presyo ay nagpataasan.
Ang kaibahan nga lang ngayon, talagang mas malaki ang itinataas kada litro kada linggo. Pinapangambahan pa nga na umabot ito ng P100 kada litro, patay na tayong lahat d’yan!
Dahil ang buhay ng ekonomiya natin ay nasa langis, talagang apektado ang lahat, pamasahe, presyo ng mga bilihin, kuryente at maging mga serbisyo nararamdaman na rin ang pagtaas.
Pero ang isa sa mga pinakatinamaan dito talaga ay ang mga pobreng jeepney drayber at mga operator. Bagamat inaprubahan na ang P1 pagtaas sa pamasahe, talagang hindi ito sumasapat sa kinikita ng isang drayber. Wala pa dyan ang problema sa korapsyon at burukraysa sa LTO at LTFRB na magkakasalungat ang mga ipinatutupad na polisiya sa sektor ng transportasyon.
Kung dati ay kumikita sila ng nasa P800 hanggang P500 isang araw, ang nakausap po natin nasa P80 lang ang naging take home pay niya sa buong maghapon na pasada. Saan napunta ang kita? Syempre sa krudo. Ngayon nag-iisip nang ibang trabahong mapagkakakitaan.
Ang problema ngayon, lumiliit ang bilang ng mga pumapasadang dyip sa lansangan na nangangahulugan ng ibayong paghihirap sa mga pasahero. Tandaan natin na bago pa ang pandemya at gera sa Russia at Ukraine may malaki nang problema sa mass transportation partikular sa Metro Manila.
Kaya ang pagkabawas ng bilang sa mga pumapasadang dyip ay talagang malaking epekto at dagdag pahirap sa mga pasahero. At hindi lamang mga dyip ang natetengga sa mga talyer kundi maging mga taxi.
Kahit ang mga train system natin ay talagang napakahaba ng pila at masasabi nating marami pa ang kailangang gawin upang mag-improve ang serbisyo nito.
Ang isa pang problema, nagbabadya na rin ang pagpasok ng mga estudyante sa mga paaralan at unibersidad itong darating na pasukan. Ang ibig sabihin lamang ito ay mas magiging malaki ang pangangailangan sa mass transportation.
Ngayon, umaapela si Inter-Agency Council on Traffic chief Charlie Del Rosario sa mga drayber at operator na bumalik sa kanilang mga ruta at ipinaalala na ang kanilang ginagawa ay pagseserbisyo sa publiko.
Ang problema, hindi pwedeng pakiusap ang solusyon sa problema. Hindi pwedeng magmakaawa lang tayo sa mga tsuper at operator dahil maging sila ay talagang kaawa-awa. Parang sinabi mo sa mga negosyanteng tuloy lang magnegosyo kahit na nalulugi.
Wala pong matinong negosyante ang gagawa na magnenegosyo ka kahit na nalulugi. Ganoon din po ang mga tsuper. Hindi po sila mamamasada kung mamamasada lang sila para magpagod lang sa kalsada at walang nakakabubuhay na kita na iuuwi sa pamilya.
Ang kailangan ay magkaroon ng kongkretong mga plano para sa kanila na makakatulong na mabawasan ang masamang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo. Ang problema mukhang wala tayong nakikitang ganoon.
Kung plano lang ay pakiusap at pangongonsensya ay mukhang wala talagang plano at wala ring konsensya para sa kanila.
Hindi po maeenganyo ang mga tsuper at operator natin sa ganiyan. Ang kailangan po nila ay kasiguraduhan na tulong mula sa gobyerno na may sapat silang kikitain para maipambuhay sa kanilang pamilya.
Kung wala pong ganitong plano para sa mga tsuper, baka hindi po madagdagan ang mga pampasaherong dyip sa kalsada. Magpapahirap sa mga mamamayan at walang ibang mapagbabalingan kundi ang gobyerno.
Magiging malaking hamon ito para sa susunod na administrasyon na hindi lamang magkaroon ng konkretong plano sa sektor ng transportasyon kundi kung paano mas maiibsan ng bansa ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Itutulak ba nito na rebyuhin at amyendahan ang oil deregulation law? Sana po. Dahil sa totoo lang wala po tayong tiwala sa presyo ng petrolyo na ang nagdidikta ay mga mayayamang kompanya ng langis sa bansa.
Hindi po natin sinasabing masyado silang gahaman. Basta mga gahaman sila, hehehe.
At ang sinasabi lang po natin ay hindi tayo naniniwala kapag sila ang nagsasabing ito ang presyo ng petrolyo.